Tuesday, August 21, 2007

Paglusong

Binatilyo pa lamang ako nang una akong makarating sa pribadong resort na iyon, kasama ang ilang pinsan. Malayo, pasikut-sikot at maputik ang daan papunta doon. Sari-saring puno at halaman ang sumalubong sa amin, at ilang talon at lawa-lawaan. Wala akong dalang panlangoy kaya pinanood ko na lamang ang mga pinsan ko sa pinakamalaking languyan. Gulat na gulat ako nang may lumusong ding mga babaeng naka-itim na blusang mahaba ang manggas at itim na pantalon; mga madre pala sila.

Umulan bago kami nakaalis doon. Wala nang ulan at matindi na ang sikat ng araw ngunit lumubog sa putik ang mga gulong ng sinasakyan naming dyip. Naglakad tuloy kami nang halos isang oras patungo sa highway.

Pagkaraan ng tatlumpung taon, bumalik ako doon, kasama ang ilang kaibigan. May paparating na bagyo kaya naulanan kami samantalang naglalangoy. Kinagabihan, sa aming tulugan, dinig na dinig namin ang atungal ng hangin at hampasan ng mga dahon. Wari nga nami'y may mga punong bumabagsak.

Maagang-maaga akong nagising kinabukasan. Tumila na ang ulan, ngunit abuhin pa ang mga ulap. Naglakad ako papunta sa languyan at nadaanan ko ang nagkalat na mga dahon. Ilang puno nga pala ang bumagsak.

Wala kundi isang pusang ligaw sa may languyan. Lumusong ako sa tubig, luminga-linga, at naghubad ng lahat ng suot. Sumisid ako, lumangoy, nagtampisaw, nagdasal na walang dumating. Walang pagsidlan ang saya ko--tumingkad ang pagkaluntian ng mga halaman sa paligid ko; nagbughaw ang makakapal pang ulap. Nang sumungaw na ang araw, pagkaraan ng marahil isang oras, isinuot ko ang aking shorts, bumuntong-hininga ako, at umahon.

Walong taon ding hindi ako nakabalik sa resort na iyon.

Kamakalawa, sumama ako sa ilang kabigan doon. Kaaalis lang ng bagyong nagdulot sa amin ng ilang araw ng di-inasahang bakasyon. Maulap pa rin ngunit pasilip-silip na ang araw. Naglangoy ako bago at pagkatapos mananghalian. Maraming tao sa resort, maging kinagabihan. Putul-putol ang tulog ko, nananabik sa kinabukasan.

Maliwanag na nang magising ako. Dali-dali akong pumunta sa languyan. Nakahinga ako nang maluwag nang makita kong wala pang ibang tao. Lumusong ako sa mainit-init na tubig, luminga-linga, at naghubad ng lahat ng suot. Matagal kong pinagmasdan ang manipis na usok ng hamog na sumisingaw mula sa tibig. Sumisid ako't paglitaw ko'y natambad sa akin ang araw na sumusungaw sa munting bilog na nalikha ng nagsasanib-sanib na mga dahon. Tinitigan ko ito't lumitaw ang mas malaking bilog--nagpaaninaw ang bughaw, luntian, kulay-dalandan. Ngunit naalala kong masamang tumitig sa araw. Pumikit ako't sumisid, at ninamnam ang matingkad na dilaw na naglaro sa aking balintataw.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home