Monday, March 19, 2007

Usapan

Halos tatlong oras kaming nag-usap ni T tungkol sa kanyang mga pagdo-double major. At naikuwento rin niya sa akin ang tungkol sa kanyang mga sakit. Noong bata raw siya'y sinabi ng doktor na bi-polar siya. Ilang taon na ang nakakaraan, nadiskrube namang may glaucoma siya. At nitong nakaraang taon, isang semestre siyang hindi nakapasok dahil may malubhang kapansanan ang kanyang kalamnan--patuloy siyang umiinom ng gamot para maibsan ang sakit. Kaya nga raw mainitin ang ulo niya at di-miminsang sinuntok niya ang dinding sa galit. Nitong nakaraang linggo, habang nasa klase siya, namanhid ang kaliwang hita, binti at paa niya, at medyo natagalan bago siya nakatayo at nakalakad.

Nitong nakalipas na dalawang buwan daw ay hinihintay na lamang niyang mamatay. Pero naisip din niya na mas mabuting patuloy na mabuhay samantalang naghihintay--kaya nga inasikaso namin ang kanyang mga kukuning kurso sa susunod na apat na taon. Tumatawa pa nga siya samantalang nag-uusap kami. Mukha siyang punung-puno ng pag-asa, lalo na nang ikuwento niya ang dalagang kasa-kasama niyang lumabas-labas. Sabi ko nga sa kanya'y hanga ako sa kanyang sigla't saya, sa kabila ng lahat.

Makikipag-usap daw siya sa isang guro niyang sikologo--alam daw niyang kailangan niya ito kahit sabi ng mga magulang niya'y hindi. Pakiramdam nga niya'y hindi sapat ang pagkalinga at pagtingin sa kanya ng kanyang mga magulang. Sabi ko, "Tama, makipag-usap ka nga sa guro mong counselor." At idinagdag ko, "Alam mong puwede mo rin akong kausapin kung kailangan mo." Sabi niya, "Kaya nga ako narito."

Isinama ko siya sa pagdiriwang ng kaarawan ng presidente ng unibersidad. Nakita siya doon ng isa niyang guro, at sinabi nito sa kanya, "Ang galing ng huling sanaysay mo. Ang galing mo talagang magsulat." Bumaling ito sa akin at ang wika, "Siya ang pinakamagaling na estudyante sa kurso niya." Gulat na gulat, at tuwang-tuwa, si T.

Bago kami umalis sa pagtitipon ay nakita ko ang kakilalang kamamatay lamang ang anak. Nakiramay ako, at pagkaraa'y ikinuwento ko kay T na biglaan ang pagkamatay na iyon; ni walang sakit ang sumakabilang-buhay. "Anumang oras," sabi ko sa kanya, "Puwedeng mamatay ang sinuman, kaya ang mahalaga'y mabuhay nang mabuti habang nabubuhay pa. Tulad ng ginagawa mo." Ngumiti siya't tumango. Pagkaraa'y winika niya, "Ito na yata ang isa sa pinakamagandang araw ng buhay ko." At pumunta kami sa kapilya para magpasalamat.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home