Tuesday, March 27, 2007

Sa Paligid ng Lawa

Sa buong buhay ko'y nitong nakaraang Linggo lamang ako nakatakbo nang tuluy-tuloy sa paligid ng lawa sa aming bayan.

Noong maliit ako, ang kuwento'y taon-taong kumukuha ng buhay ang lawang iyon, kaya hindi kami puwedeng lumapit kahit sa pampang lamang nito. Noong mag-aral na ako, nalaman ko ang alamat nito--may mag-asawang nakatira sa lambak at may puno ng sampalok na napakatamis ng bunga; minsan may matandang humingi sa kanila ng sampalok at tinanggihan nila; isinumpa ng matanda na kapag nagdalang-tao ang babae at tumapak sa lupa, may mangyayaring malaking sakuna; di-naglao'y naglihi nga ang babae kaya hindi na siya lumabas ng bahay; minsa'y wala ang lalaki at naglaway ang babae sa matamis nilang sampalok; hindi siya nakatiis at bumaba siya ng bahay; pagtapak niya sa lupa, nagkabukal ng tubig na umapaw nang umapaw hanggang malubog ang buong lambak.

Nasa mababang paaralan na ako nang sementuhan ang daan palibot sa lawa; noon din naghulog mula sa helikopter ng mga tilapyang hihitik doon. Ilang taon din ngang may malaking-malaking balsa sa lawa na may restaurant--hinding-hindi kami kumain doon. Ngunit araw-araw, naglalakad si Itay, kasama ang kanyang mga kumpare, paligid sa lawat. Di-naglao'y isinama na rin niya kami nina Inay at Ate ko.

Noong nagdadalaga ang Ate ko, isinasama niya ako sa pamamasyal nilang magkakabarkada sa tabi ng lawa. Doon niya ako tinuruang manigarilyo. At paminsan-minsan, sakay kami ng kotseng lumiligid sa dagat, binibilang ang mga palakang sinasagasaan ng gulong.

Noong unang taon ko sa kolehiyo, tumigil akong mag-aral. Tuwing umaga noong taong iyon, naglalakad kami ni Inay sa paligid ng lawa. Kung anu-ano ang ikinukuwento niya sa akin--ang kabataan niyang puno ng hirap, ang panliligaw sa kanya ni Itay, ang pagpupundar nila ng aming kabuhayan. Mula nang bumalik ako sa kolehiyo, bihira na akong lumibot sa lawa--kapag may ipinapasyal na lamang na bisita, at halos palaging sakay sa kotse.

Ngayong tag-araw at hindi ako magtuturo, mas madalas na akong makakatakbo sa paligid ng lawa. Mag-isa man ako'y tiyak na marami akong makakapiling na alaala.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home