Thursday, May 31, 2007

Retiro

Matatapos na ang tag-araw--umuulan-ulan na--at magsisimula na naman ang klase. Mabuti na lamang at nakapag-retiro ako nang walong araw nitong kalagitnaan ng buwan.

Mangyari pa'y sa paborito kong lungsod sa kabundukan ako pumunta. Pero noon lamang ako nakapunta sa lugar na tinuluyan ko. Mga madre ang may-ari nito, at maraming ibang taong dumating noong naroon ako.

Nasa isang maliit na kuwarto ako, sa bukana ng gusali at ilalim ng hagdanan, sa unang tatlong araw. Maganda ang lugar, ang mga hardin, at ang tanawin sa paligid. Masarap ang pagkain at mabait ang mga madre. Malamig at sariwa ang hangin. Maaraw kapag umaga't kumukulimlim, umaambun-ambon, at minsa'y umuulan sa hapon. Sa gabi'y maliwanag ang parang-suklay na buwan at maningning at mga bituin.

Nakapagdasal ako kaagad, sa tulong ni aklat tungkol kay Julian ng Norwich. Gumigising ako nang maaga, nagbabasa't nagdarasal bago mag-almusal, naglalakad-lakad bago muling magbasa't magdasal at magsulat, nagmemeryenda bago maglakad-lakad at muling magbasa, nanananghalian at naglalakad-lakad, natutulog nang sandali bago magbasa't magdasal at magsulat, nagmemeryenda't maglalakad-lakad, nag-eehersisyo, sumasali sa panalangin ng mga madre bago maghapunan, naglalakad-lakad bago magbasa ng nobela bago matulog.

Pero maingay sa labas, at itaas, ng silid ko. Kaya sa ikaapat na araw ay inilipat ako sa mas malaking silid, mas tahimik, mas maganda ang tanawin. Ngunit isang gabi, ginulantang ako ng kaguluhan mula sa lambak: "Papatayin kita, papatayin kita," sigaw ng isang lalaki. "Ako ang patayin mo," hiyaw ng isang babae. Dumungaw ako't nakita ko ang mga taong nagtatakbuhan. Di-naglao'y may sirena na ng pulis, at nailawan ang kalsada. Kinabukasa'y parang walang nangyari doon. Tiyak kong wala namang nasawi, wala namang napahamak.

Ang sarap ng walong araw na iyon. Lalo akong naging determinado na mag-retiro nang walong araw taun-taon. Sabi nga ng mga madre'y palaging bukas ang pintuan nila para sa akin.

At noong walong araw na iyon, sa bago kong muli't muling matatahanan, nakasulat rin ako ng animnapu't isang ewan-ko-kung-matatawag-ko-nang tula.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home