Wednesday, May 02, 2007

Kahapon

May gusto akong panooring pelikula kahapon kaya pagkakain ng tanghalia'y naglakad ako sa mga mall na malapit sa tirahan ko patungo sa estasyon ng tren. Napansin kong may bago na namang gusaling itinatayo sa napakalaki nang commercial center na iyon.

Noong maliit pa ako lagi akong sabik na sabik kapag lumuluwas kami. Unang hinto kasi namin ang pinakabagong commercial center. May malaking supermarket doon at samantalang namimili sina Inay at Itay, at kung saan-saan tumitingin-tingin ang Ate ko, nasa hanay ako ng mga komiks at aklat. Pagkaraa'y kakain kami sa restaurant ng supermarket--spaghetting manamis-namis, o kaya'y hamburger steak ang sa akin. Hanggang makatapos ako ng kolehiyo'y binabalik-balikan ko pa ang mga putaheng iyon.

Nag-tren ako patungo sa makabagong pamilihan na itinayo noong nasa mataas na paaralan ako, at tumuloy sa bagung-bago pang mall. Hindi na pala palabas ang gusto kong panoorin kaya naglakad-lakad ako't nag-isip kung ano ang puwede pang gawin. Ipinasya kong pumunta sa kauna-unahang mall na itinayo sa bansa (nasa kolehiyo na ako noon) sa kabila ng dati'y pinakamalaking coliseum sa Asya . Natuklasan kong hungkag na ang pinakamatandang bahagi ng mall; magtatayo na kasi ng mga condominium doon.

Nasa mababang paaralan ako nang una akong makapunta sa pinakamalaki raw na coliseum sa Asya para manood ng mga dayuhang nagsasayaw sa napakalaking entabladong gawa sa yelo. Galing kami sa lumang bahagi ng lunsod at madilim sa daan--parang papunta kami sa lalawigan. Kaya nang makita ko ang malaking coliseum na puno ng ilaw, sa gitna ng madilim na parang, gulat na gulat ako. Noong nasa mataas na paaralan ako, minsa'y dumayo kami sa isa sa dadalawa yatang malaking tindahang malapit dito at nakabili ako ng polo na miminsan kong nagamit. Nang magkolehiyo ako't tumira sa malapit dito, may malaking modernong pamilihan na sa tabi nito, at doon kami lagimg nagliliwaliw ng mga kabarkada ko.

Hindi na rin palabas doon ang gusto kong panoorin kaya naglakad ako sa isa pang estasyon ng tren. Sumakay ako patungo sa lumang bahagi ng lunsod, para lang sa tanawin. Pero nang dumating ako sa huling hintuan, ipinasya kong lumabas ng estasyon. Ang daming sasakyan sa daan, ang daming tao. Tumawid ako tungo sa pangunahing daan, na ngayo'y mahabang liwasan na lamang, wala nang dumadaang sasakyan at puno na ng mga tao't may ilang maliit na kainan--nakasilong kasi ito sa mataas na riles ng tren. Bumili ako ng hopia at Coke, at kumain samantalang naglalakad sa gitna ng pagkarami-raming tao. May isang pulutong na nanonood ng marurungis na batang sumasayaw; hindi ako huminto kasi natakot ako sa mandurukot. Tumingin-tingin na lamang ako sa mga tindahan, at pumasok sa isang napuntahan ko na noong nasa mataas na paaralan ako. Bumili ako ng maliit na biblia.

Minsan, noong hindi pa ako pumapasok, sumama kami ni Inay sa tiya ko't mga pinsan sa noo'y sentro ng kalakalan sa malaking lunsod para mamili ng pam-Pasko. Ilang beses akong naipit sa dami ng tao sa kalsada't mga tindahan. Nang pauwi na kami'y nakipag-unahan kami pagsakay sa dyip; halos maiwan pa nga si Inay. Matagal din akong hindi nakabalik doon. Ngunit noong nasa mataas na paaralan na ako, apat na beses sa isang taon kaming pumupunta doon ng pinsan ko para asikasuhin ang pag-iimprenta ng pahayagan ng aming paaralan; kung saan-saan kami napapadpad. Nanonood din kami ng mga pelikulang matagal pa bago maipalabas sa aming bayan.

1 Comments:

Blogger eric santillan said...

rofel!

meron na akong internet sa bahay kaya balik na ako sa pagsusulat. nakakamiss din.

ingat!

11:39 AM  

Post a Comment

<< Home