Sunday, August 24, 2008

Bantay

Nasa ospital si Itay. Noong Huwebes ng umaga, nahirapan daw huminga kaya isinugod nila. Nang dumating ako'y panatag na siya--nakilala naman ako pero palaging tulog. Nasa dalawahang kuwarto siya kasi wala raw bakanteng isahan. Masikip. Kaya ipinasya kong ilipat ng ospital.

Mas bumuti ang lagay niya sa bagong kuwarto--mas malaki, mas malinis, mas bago. Kinabukasa'y lalong bumuti ang lagay. Umingay na nga, tulad ng dati. Nang makausap si Inay sa telepono, ang sabi'y "I love you." Pero lagi siyang nakatitig sa magagandang nurses na nagpapainom ng gamot.

Kaninang umaga, samantalang kinukunan siya ng presyon ng magandang nurse, hinaplos ni Itay ang braso nito. "Itay, huwag," sabi ko, at humingi ako ng paumanhin sa nurse. "Okey lang po," sagot nito. Nang paalis na ito, sabi ni Itay, "Thank you." "You're welcome po," sagot nito. Ang sabi ni Itay, "I love you." Nang tanungin ko kung bakit niya sinabi iyon, ang sagot, "Wala si Inay, e."

Ngayon naman, nasa bahay ako ng Ate ko, binabantayan ang aming apo. Namamasyal kasi ang mga magulang nito, at nasa ospital ang Ate ko, bayaw at bunso nilang anak.

Uuwi na si Itay bukas. Braso na ni Inay ang hahaplusin niya. Si Inay na naman ang sasabihan niya ng "I love you."

2 Comments:

Blogger Noelle Q. de Jesus said...

Mabuti ang kalagayan niya kung napapansin niya ang mga magagandang nars. At least maginhawa ang pakiramdam niya.

12:31 PM  
Blogger sandalilamang said...

Oo nga.

At nasa bahay na siya mula pa noong Lunes ng hapon. Mabuti daw ang lagay, sabi ni Inay sa telepono.

3:12 PM  

Post a Comment

<< Home