Saturday, July 26, 2008

Mga Cicada

Kaninang umaga ang lakas ng sitsit sa aking paligid. Una'y akala ko'y kuliglig pero cicada pala. Nakaupo ako sa patio ng international student center samantalang naghihintay na magbukas ang library. Mainit, pero may pasimuy-simoy na hihip ng malamig-lamig na hangin. Ilang nakabisikletang estudyante ang padaan-daan. Minsa'y binabagtas ang langit ng pababang eroplano. Pero namamayani ang sitsit ng cicada--minsa'y malakas na malakas, sandaling humihina, muling lumalakas, humihina, hinding-hindi nawawala. Marahil ay nakarinig na ako ng ganito sa loob ng nakaraang linggo, mula nang dumating ako dito, pero kanina ko lang talaga namalayan kung gaano katindi ng sitsit.

Lunsod ito na hindi na bago sa aking kamalayan. Una kong narinig ang pangalan nito nang may magbalitang maraming Pilipina ang nagkaasawa ng mga tagarito--nagsimula ang ligawan sa sulatan. Sabi ng kaibigang kong tagarito, sa karatig na bayan daw talaga iyon, at karamihan ng napangasawa ng mga Pilipina ay mga magsasakang walang ibang magkakagusto, at nangangailangan ng katulong sa bahay at tagapag-alaga pagtanda nila.

Nagtuturo ako dito ng cross-cultural communication--pitong araw lang naman--sa mga estudyante mula sa iba't ibang bansa. Sabi ko sa kanila kamakalawa, ang mga Pilipino'y nagluluwas ng kalinga kung saan-saan, para kung kani-kanino. Parang mga cicada na palaging nariyan, marinig mo man o hindi ang sitsit.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home