Thursday, July 09, 2009

Si Ate E

Nitong nakaraang Lunes, nagdiwang ng Misa sa bayan namin si Kuya S--para sa yumao niyang asawang si Ate E, pinsang-buo ko, at sa aming pamilya.

Ni hindi pa ako binatilyo nang mangibang-bansa si Ate E. Nakatapos na ako ng kolehiyo nang muli kaming magkita sa bansang itinuring na niyang tahanan. Matagal na silang kasal ni Kuya S noon, at may apat na silang anak. Tawa ako nang tawa nang tanungin ako ni Ate E, "Totoy, umiinom ka na ng beer?" "Matanda na ako, at hindi na lang beer ang kaya kong inumin," patawa ko. At tumawa rin siya, malutong na malutong, tulad ng tawa niya noong bata pa ako.

Kinabukasa'y ipinasyal ako ni Ate E. Sa daan, walang-tigil ang kuwentuhan namin. Ikinuwento niyang samantalang nananatili siyang Protestante, sumasama siya kay Kuya E at sa mga anak nila sa simbahang Katoliko. Sabi ko'y hanga ako sa kanya. At bago niya ako ihatid sa kapatid niyang tinutuluyan ko, sinabi niyang dama niya'y malapit na malapit kami, higit pa kaysa noong bago kami magkahiwalay. Napaluha pa nga siya. At dahil Protestante rin ang pinsang tinutuluyan ko, isinasama ako ni Ate E sa sinisimbahan nila nina Kuya S.

Pagkaraan ng ilang taon, siya naman ang dumalaw sa bayang iniwan niya. Nang makita niya si Inay ay iyak nang iyak si Ate E. Yumao na kasi ang ina niya noon, ang nakatatandang kapatid ni Inay. Ilang taon pagkaraan nito, sumulat siya sa akin--tuwang-tuwa raw siya na sa wakas, pareho na kaming Katoliko. Pagkaraa'y muli siyang dumalaw sa amin. Siya naman ang isinama ko sa Misa.

May kanser na pala si Ate E noon, ngunit sinabi lamang niya sa amin noong makauwi siya sa kanyang pamilya. Yumao siya sa piling nila, malayo sa amin. Ilang taon din ang nakalipas bago ko nadalaw sina Kuya S.

Dinala niya ako sa puntod ni Ate E. Ang bigat ng pakiramdam ko. Pinilit kong sumaya--inulit-ulit ko sa gunita ang malulutong na halakhak ni Ate E. Ang mga usapan namin. Ang aming mga sulat. Ang mga Misang dinaluhan namin.

Noo'y sinabi sa akin ni Kuya E na gusto niyang magpari. Tuwing umaga'y dumalo kami sa Misa. At nang makauwi na ako, paminsan-minsa'y nag-e-email siya para ibalita ang kanyang pagpapari. Inimbita niya ako sa kanyang ordinasyon pero hindi ako nakarating. Kaya nga tuwang-tuwa ako nang sabihin niyang gusto niyang mag-Misa sa aming bayan.

Ilang kamag-anak namin ang dumalo sa Misa. Nakakaantig ng damdamin ang homilya niya--ikinuwento niya ang buhay nila ni Ate E, at kung paano siya naging pari. Pagkatapos ng Misa, sumama siya sa akin sa bahay, at binasbasan niya sina Inay at Itay.

Samantalang sinusulat ko ito'y damang-dama kong nasa tabi ko si Ate E, nakangiti, naghihintay lamang na magpatawa ako, at hahalakhak na siyang muli nang malutong na malutong.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home