Friday, July 31, 2009

Cory Aquino

Noong una'y kilala ko lamang siya bilang asawa ni Ninoy. Nang makulong si Ninoy, paminsan-minsa'y nasisiglawan ko ang kanyang larawan sa peryodiko. Una ko siyang napagmasdan sa telebisyon, nang magsalita siya pagkaraang paslangin ang kanyang asawa.

Pagkaraan ng ilang taon, pumunta kami ng Ate ko't Inay sa gym ng aking dating high school. Naroon si Cory, kasama ang exhibit ng mga naiwan ni Ninoy. Nagpapirma kami ng kalendaryo, at ng malaking dilaw na bandilang may mukha ni Ninoy. Ang isinulat ni Cory--"To Rofel, Laban!, Cory Aquino". Nang tumira ako sa ibang bansa noong 1986 at 1991, dala ko ang bandilang ito, at isinabit sa dinding ng bawat silid na tinuluyan ko nang matagal.

Sumama ako sa martsang kumukumbinsi kay Cory na tumakbong pangulo--mula Sto. Domingo, patungong Roxas Boulevard, hanggang Ayala. Malayo ako sa entablado pero kitang-kita ko siyang naka-dilaw na parka, nagsasalita.

Nang tumakbo nga siya, gumawa kami ng Ate ko't mga pinsan ng mga pamaskil mula sa peryodiko. Nangampanya kami sa aming bayan. At minsan, sinalubong namin ang motorcade ni Cory sa ibang bayan, at sumabay sa pagpasok nito sa aming bayan. Kalaban ni Cory ang mayor namin, at pinatay ang koryente sa buong bayan nang papasok na kami. Kinilabutan ako nang makita ko ang mga taong nakahilera sa daan, may tangang mga kandila. Nang magtalumpati siya sa plasa, madilim sa paligid ngunit napakaraming nakinig. Kami ni Ate'y nasa bubong ng bahay ng aming pinsan, maluha-luha samantalang pinakikinggan ang kuwento ni Cory tungkol sa pagdurusang dinanas ng pamilya niya sa ilalim ng diktadurya.

Nang tumawag ang Kardinal ng mga tao patungong EDSA, sumama ako sa aking mga kaibigan. Apat na araw, araw-araw kaming naroon. Nang maging pangulo na siya at dumalo sa pagtatapos sa pamantasang pinagtuturuan ko, pinalad akong makatabi siya sa isang retrato. Hanggang ngayo'y nakakuwadro pa't nakapatong sa mesa ng tahanan ko ang retratong ito.

Pagkaraa'y tumulong akong mamatnugot ng aklat tungkol sa mapayapang himagsikang sinimulang niya. Ngunit hindi ko na muling nakita si Cory, maliban sa telebisyon, peryodiko at magasin.

Maraming taon pagkaraang matapos ang kanyang panununungkulan, sumama ako sa mga kaibigan sa tour ng museo ni Ninoy sa Tarlac. Si Cory ang aming naging gabay. At dahil sinadya kong lumapit lagi sa kanya, madalas ay ako ang tinitingnan niya samantalang nagkukuwento tungkol sa exhibit. Pagkatapos nga ay ikinuwento niya sa akin na may sinulat na siyang talambuhay--"Roses and Crosses" daw ang pamagat. At binigkas pa niya sa akin ang dalawang haiku na sinulat niya. Hindi ako makapaniwala sa kapalarang iyon. Nang mananghalian kami, nahiya ang lahat ng kasama ko na tumabi sa kanya. Hindi ako nahiya. Kaya may itinatangi akong larawan namin ni Cory, magkatabing nakaupo sa hapag kainan, may tinitingnang aklat.

Ngayo'y naninikip ang dibdib ko, samantalang kasalo sa panalangin ang buong bayan-- asa ko'y buong mundo--na puspusin ng biyaya ang mahal kong, mahal naming, si Cory Aquino.

2 Comments:

Anonymous Eric Santillan said...

hello rofel,

kasama ako sa tour na iyon. at naaalala ko pa ang pagagabay niya sa atin. punong puno ng mga nakakatawang hirit at naalala ko din yung sinabi nya na "Maganda din siguro kung si Kris ang gagabay sa inyo. Iba ang experience at perspective nya noong mga araw na iyon."

Naaalala ko din isang pasko noong sinama ako ni fr. arevalo sa isang noche buena sa kanilang bahay. Nandoon ang buong pamilya. Naghingi sya ng panalangin sa amin.

Kahapon, dumaan ako sa Katipunan at nakita ko ang mga dilaw na palamuti sa gate ng Miriam. Nanikip din ang dibdib ko.

12:24 PM  
Anonymous Jun-G Bargayo, SJ said...

kuhang kuha ng iyong mga salita ang mga sandaling kasama mo si Tita Cory. In fairness, tumayo ang balahibo ko sinulat mo sa bandang dulo, kasi parehong pareho ang ating karanasan sa tour sa tarlac. lagi nya rin akong tinitingnan kasi lagi akong nasa harap nya... tapos sa pananghalian kasama ko siya sa mesang kumakain... haay... isa ito sa hindi ko makalimutang pagkakataong makaharap at makasama sa litrato ang tita Cory.

12:04 AM  

Post a Comment

<< Home