Tuesday, October 01, 2013

Kapag Natagpuan Kita

Nitong unang linggo ng Setyembre, inilunsad sa Maynila ang ikalima kong aklat.  Maraming dumating--kamag-anak, kaibigan, mga bagong kakilala.  Ilang linggo pagkaraan, sa Singapore naman ito inilunsad, sa piling ng matatalik kong kaibigan doon.

May dalawa pang aklat na nakasalang.  Naghahanap ako ng panahong matutukan ang una--kailangang ayusin ko ang mga tula.  Ang ikalawa'y pinamamatnugutan pa ng isang kaibigan--binubuo ito ng mga kuwento sa blog na ito.

Maraming nagaganap, maraming nagpapaligaya, maraming alalahanin.  Parati kong idinidiin sa sarili ko: namnamin ang sandali, hayaang ganapin ng bukas ang bukas, huwag mabalisa, huwag mabagabag, simsimin ang ligayang dulot ng bawat paghahanap at pakikipagtagpo.  At muling magsulat nang magsulat.