Wednesday, May 08, 2013

Ang Pag-ibig ng Panginoon

Sa ating higit na nakakakilala kay Inay, ang iiwan niya ay alaala ng isang babaeng maganda, mahinhin, mabait, mapagkawanggawa, matiisin, mapagmahal. Mangyari pa’y, tulad nating lahat, may mga pagkukulang din siya, at nagkakamali paminsan-minsan—ngunit kapag natanto niyang siya’y may nasaktan, hinding-hindi siya nag-aatubiling humingi ng patawad. Madali, at magaan, niyang isinisiwalat ang nasa sa loob niya, lalo na sa kanyang mga minamahal.

Noong nagsisimulang magkasakit si Itay, mahigit na labinlimang taon na ang nakakaraan, sinabi sa amin ni Inay, nang maraming beses, na panalangin niya’y kunin na sila ng Panginoon dahil ayaw niyang maging pabigat sa amin. Handa na raw naman siyang yumao, punung-puno na ang kanyang buhay ng biyaya, at wala na raw naman siya talagang magagawa pa sa daigdig na ito—alagain na lamang daw naman sila. Wala akong masabi sa kanya kundi, “Inay, samantalang hinahayaan ninyong alagaan namin kayo, tinuturuan ninyo kami kung paano tunay na magmahal. Kaya patuloy kayong may silbi sa aming nasa inyong piling.”

Nauunawaan daw naman niya ito, sabi ni Inay. Ngunit talaga raw gusto na niyang makapiling ang Panginoon. At kapag sinasabi namin na lagi naman nating kapiling ang Panginoon maging ngayon, sa buhay na ito, idinidiin niya, “Kapag kinuha na ako ng Panginoon, huwag kayong malulungkot. Magdiriwang kayo sapagkat, sa wakas, gagantimpalaan na ako ng Panginoon ng biyayang walang-hanggan.”

Kaya nga nang yumao na siya, sinabayan ang aming pagdadalamhati ng galak para sa kanya. Inihanda niya kami sa pagdating ng panahong matagal na niyang inaasam. Ganito si Inay, gagawin niya ang lahat para sa amin, para sa kanyang mga minamahal. Napakadali para sa kanya ang unahin ang kapakanan ng iba, ang isa-isantabi ang kanyang sarili. At napakadali sa kanyang sambitin ang pagmamahal. Ang mga huling katagang namutawi sa kanyang bibig, bago siya magsimulang matulog nang mahimbing sa ospital ay “I love you... I love you very very much... I love you more than my life...”

Ang karamihan ng alam namin ngayon tungkol sa pag-ibig at pagmamahal ay itinuro sa amin ni Inay, sa salita at sa gawa. At sa kanyang paglisan sa ating daigdig, higit niyang idinidiin ang paulit-ulit niyang sinasambit noon—ang pinakadakilang pag-ibig ay ang pag-ibig ng Panginoon. Nagmamahalan tayo dahil ang pag-ibig ay mula sa Diyos. Ang Diyos ay pag-ibig.