Saturday, January 05, 2013

Bagong Taon

Dalawang linggo na lamang at 97 na si Inay.  Malakas pa siya--naglalakad-lakad dito sa bahay, maging sa balkonahe at lanai.  Nasisiyahan siyang panoorin ang mga apo sa tuhod na naglalaro at nagtatatakbo sa paligid niya.  Nanonood siya ng TV samantalang kumakain--at madalas siyang kumain.  Ngunit madalas din ay tahimik lamang siya.  Ngumingiti kapag hinahalikan ko, at laging itinatanong kung nakakakain na kami.

Napansin namin na tuwing dumarating ang bunso niyang apo, sumisigla si Inay--kuwento nang kuwento, tanong nang tanong.  Noong undras, dalawa't kalahating oras siyang naglahad sa akin ng mga kuwento ng kanyang buhay.  Ang ila'y narinig ko na, ang ila'y higit na kumpleto kaysa dati.  May recording ako ng mga kuwento, at sabi pa niya'y ipabasa ko sa kanya ang isusulat ko.

Nitong Pasko, marami na naman siyang kuwento, at ang ila'y tila mula na lamang sa guniguni.  Pero samantalang nagsasalita siya'y totoong-totoo ang mga ito, at masayang-masaya siya.  Pagkaraan, nang umalis na ang bunso niyang apo, tumahimik na naman siya.

Sa kanyang ika-97 kaarawan, narito na naman ang bunso niyang apo.  At, tiyak, magkukuwento na naman si Inay.