Tuesday, September 11, 2012

Liwaliw

Dahil sa kagandahang-loob ng matatalik na kaibigan, nagbabakasyon na naman ako dito sa maliit na bansang ilang ulit ko nang napagbakasyunan. Nitong nakaraang sampung taon nga'y halos taun-taon akong naririto.  Marami kasi akong kaibigan diro, at ang ilan sa kanila'y mahuhusay na manunulat.

Kanina lamang ay kausap ko ang isa.  Itinanong niya kung bakit parang lumalayo ako sa panitikan ngayon.  Sagot ko'y marami akong ibang pinagkakaabalahan--ang bagong bahay namin ni Inay, pag-aalaga sa mga apo, pagliliwaliw nang tunay man o sa guniguni lamang.  Ngunit dahil sa tanong niya, tumindi na naman ang pagnanasa kong gawing aklat ang maiikling sanaysay sa blog na ito, mapalapatan ng musika ang ilang tula ko, mapagtagpo ang mga akda ko at ang mga larawang likha ng ilang kaibigan, mapagbasa sa harap ng kamera ang mga manunulat ng aking unibersidad.

Isa sa mga kaibigan kong manunulat dito ang tumitingin, at nagrerebisa, sa mga salin ko sa Ingles ng mga di-pa nalalathalang tula ko.  Susulat din siya ng pambungad sa kalipunang nais ko sana'y ilathala ng aking unibersidad.  Sa mga nais kong gawin, ito ang pinakamalamang na maganap.

Isusulat ko ito ngayon upang tunay kong maisulong: magaganap din ang iba pang gusto kong gawin.