Thursday, November 17, 2011

Si Itay at si Lola Guelang

Isang linggo makaraang ipagdiwang namin ang ika-94 na kaarawan ni Itay, sinabi sa akin ni Inay, 95, na nagpatulong siya sa kanyang alalay na umakyat sa ikalawang palapag (tawag nami'y "itaas") ng aming bahay. Ilang taon na niyang hindi nagagawa iyon. "Mula ngayo'y mas madalas na akong maglalakad-lakad," sabi niya. At nagkuwento siya nang nagkuwento tungkol sa kanyang kabataan at pagdadalaga; marami'y narinig ko na, ang ila'y bagung-bago. Nanghinayang nga ako na hindi ko naihanda ang kamera ko--gusto ko siyang kunan ng video, pero ayoko namang putulin ang kanyang pagkukuwento. At malamang na hindi niay ako payagang mag-video--marami sa sinabi niya'y para lamang daw sa aking pandinig. Nasa likod niya si Itay, pero ipinagpalagay namin na hindi naman ito talagang nakikinig. Nagkamali kami.

Nang ikuwento ni Inay na sa simula'y ayaw kay Itay ni Lola Guelang, ang ina ni Inay, dahil sugarol ito, hindi ko pa rin pinapansin si Itay. Nahimatay pa nga raw si Lola nang sabihin ni Inay na gusto na niyang magpakasal kay Itay. Ngunit idinagdag ni Inay na di-naglao'y minahal na rin ni Lola si Itay. Sa amin nga tumira si Lola (sa kuwarto niya ako isinilang, at sa kuwartong ito ako natutulog ngayon). Pinakiusapan pa nga raw ni Lola si Inay na payagan nang magsugal si Itay. "Kawawa naman," ang sabi pa raw nito. At nakita nga raw ni Inay kung gaano kamahal ni Itay si Lola; marahil daw ay dahil na rin maagang namatay ang ina ni Itay, ang inang mahal na mahal nito.

Tiningnan ko si Itay at nakitang umiiyak. At naalala kong mula nang magkasakit si Itay halos sampung taon na ang nakakaraan, lagi siyang umiiyak kapag naririnig ang pangalan ni Lola Guelang.