Tuesday, July 13, 2010

Wagi

Kinakabahan ako noong araw ng halalan. Ilang buwan din kasi akong masigasig na nangampanya para sa aking kandidato sa pagkapangulo at araw na iyon ng pagtutuos. Bago rin ang sistema ng pagboto at natatakot akong hindi tanggapin ng makina ang balota ko. Mangyari pa'y marami ring nangangambang madadaya ang aming kandidato.

Tinanggap ng makina ang balota ko. At ilang oras pa lamang pagkaraan ng pagsasara ng mga presinto malinaw nang malaki ang pag-asa ang aking kandidato. Ilang araw lang ang nagdaan at tiyak nang panalo siya. Panalo kami, Panalo ang bayan.

Kaya nang mabalitaan kong pagkatapos niyang manumpa ay manunumpa rin ang mga mamamayan, sinikap kong makadalo sa kanyang inagurasyon. At pinalad nga akong makaparoon, malapit pa nga sa entablado. Kaya nga nang bigkasin ko ang panunumpa ng bayan, kasabay ang daan-daan libong kababayang naroon din, napaluha ako sa galak, tigib ng paninindigan at pag-asa.

Nang hapong iyon, ipinasya kong hindi na dumalo sa pagdiriwang ng aming tagumpay sa isa pang liwasan. Mag-isa na lamang akong nanood sa telebisyon, ninanamnam ang tamis ng pagwawagi, nananalangin para sa paganda nang pagandang bukas.