Wednesday, September 16, 2009

Makata Ako

Ilang ulit ko nang tiningnan sa Google ang mga website na may pangalan ko. Marami akong natuklasan--mga talambuhay ko, mga tula kong nagustuhan ng kung sinu-sino, mga retrato kong ni hindi ko alam na kinuha; sa isang blog pa nga, minumura ako ng estudyanteng ibinagsak ko. Kamakalawa, nang wala na naman akong ibang magawa, natuklasan ko naman ang isang review ng aklat kong hindi ko nakita sa alinmang tindahan sa labas ng unibersidad ko, pagkalabas ay nagkaroon ng munting review sa isang magasin, at akala ko'y wala nang pumapansin. Nagulat ako, mangyari pa. At nang basahin ko ang review, kinilabutan ako sa tuwa.

Makata nga pala ako.