Thursday, August 27, 2009

Biskwit

Nakatanggap ako ng email na nag-aanyayang sumali sa timpalak sa pagsusulat tungkol sa biskwit.

Mula pagkabata'y sari-saring biskwit ang nagustuhan ko, at lahat ng mga ito'y malutong--natitipak kapag kinagat, nadudurog sa loob ng bibig, natutunaw sa dila. Kaya laking gulat ko noong 36 ako, sa Cambridge, nang umorder ako ng fried chicken na may kasamang "biscuit"--ang natanggap ko'y tinapay na hindi malutong, medyo maalat, at maligasgas sa dila. Masarap naman.

Dalawampung taon na ang nakalipas mula noon. Pero ngayo'y mabilis na bumabalik ang mga larawan--nag-tren kami ng mga kaibigan kong mula sa Espanya, Italya, Hapon, Amerika, mula sa Londres tungo sa Cambridge para sa isang folk music festival. Napakalawak ng parkeng pinagdausan, at napakaraming dumalo. Sa gitna ng tugtugan, umalis kami't nagliwaliw sa bayan, inusyuso ang mga kolehiyo ng malaking unibersidad. At kumain nga ng fried chicken. Kinagabiha'y nag-tren muli kami pabalik sa Londres.

Mahigit sa isang dekada makaraan noon, bumalik ako sa Cambridge para sa isang literature conference. Sampung araw ako doon. At ewan ko kung bakit, ni minsa'y hindi ko hinanap ang restaurant na kinainan ko ng fried chicken at biscuit. Dahil siguro ayaw kong malungkot--kasi matagal na akong walang kabali-balita tungkol sa mga kaibigang kasama ko sa folk music festival. Naglaho na silang lahat sa buhay ko.