Friday, July 31, 2009

Cory Aquino

Noong una'y kilala ko lamang siya bilang asawa ni Ninoy. Nang makulong si Ninoy, paminsan-minsa'y nasisiglawan ko ang kanyang larawan sa peryodiko. Una ko siyang napagmasdan sa telebisyon, nang magsalita siya pagkaraang paslangin ang kanyang asawa.

Pagkaraan ng ilang taon, pumunta kami ng Ate ko't Inay sa gym ng aking dating high school. Naroon si Cory, kasama ang exhibit ng mga naiwan ni Ninoy. Nagpapirma kami ng kalendaryo, at ng malaking dilaw na bandilang may mukha ni Ninoy. Ang isinulat ni Cory--"To Rofel, Laban!, Cory Aquino". Nang tumira ako sa ibang bansa noong 1986 at 1991, dala ko ang bandilang ito, at isinabit sa dinding ng bawat silid na tinuluyan ko nang matagal.

Sumama ako sa martsang kumukumbinsi kay Cory na tumakbong pangulo--mula Sto. Domingo, patungong Roxas Boulevard, hanggang Ayala. Malayo ako sa entablado pero kitang-kita ko siyang naka-dilaw na parka, nagsasalita.

Nang tumakbo nga siya, gumawa kami ng Ate ko't mga pinsan ng mga pamaskil mula sa peryodiko. Nangampanya kami sa aming bayan. At minsan, sinalubong namin ang motorcade ni Cory sa ibang bayan, at sumabay sa pagpasok nito sa aming bayan. Kalaban ni Cory ang mayor namin, at pinatay ang koryente sa buong bayan nang papasok na kami. Kinilabutan ako nang makita ko ang mga taong nakahilera sa daan, may tangang mga kandila. Nang magtalumpati siya sa plasa, madilim sa paligid ngunit napakaraming nakinig. Kami ni Ate'y nasa bubong ng bahay ng aming pinsan, maluha-luha samantalang pinakikinggan ang kuwento ni Cory tungkol sa pagdurusang dinanas ng pamilya niya sa ilalim ng diktadurya.

Nang tumawag ang Kardinal ng mga tao patungong EDSA, sumama ako sa aking mga kaibigan. Apat na araw, araw-araw kaming naroon. Nang maging pangulo na siya at dumalo sa pagtatapos sa pamantasang pinagtuturuan ko, pinalad akong makatabi siya sa isang retrato. Hanggang ngayo'y nakakuwadro pa't nakapatong sa mesa ng tahanan ko ang retratong ito.

Pagkaraa'y tumulong akong mamatnugot ng aklat tungkol sa mapayapang himagsikang sinimulang niya. Ngunit hindi ko na muling nakita si Cory, maliban sa telebisyon, peryodiko at magasin.

Maraming taon pagkaraang matapos ang kanyang panununungkulan, sumama ako sa mga kaibigan sa tour ng museo ni Ninoy sa Tarlac. Si Cory ang aming naging gabay. At dahil sinadya kong lumapit lagi sa kanya, madalas ay ako ang tinitingnan niya samantalang nagkukuwento tungkol sa exhibit. Pagkatapos nga ay ikinuwento niya sa akin na may sinulat na siyang talambuhay--"Roses and Crosses" daw ang pamagat. At binigkas pa niya sa akin ang dalawang haiku na sinulat niya. Hindi ako makapaniwala sa kapalarang iyon. Nang mananghalian kami, nahiya ang lahat ng kasama ko na tumabi sa kanya. Hindi ako nahiya. Kaya may itinatangi akong larawan namin ni Cory, magkatabing nakaupo sa hapag kainan, may tinitingnang aklat.

Ngayo'y naninikip ang dibdib ko, samantalang kasalo sa panalangin ang buong bayan-- asa ko'y buong mundo--na puspusin ng biyaya ang mahal kong, mahal naming, si Cory Aquino.

Sunday, July 12, 2009

Pasamano

Kahapon, natuklasan ng apo ko na masarap maglaro sa malapad na pasamano ng bintanang may rehas sa kuwartong sinilangan ko't ngayo'y silid-tulugan tuwing umuuwi ako kina Inay at Itay. Sa kabila ng rehas ng bintanang ito daw nakasilip si Itay at ang Ate ko nang ipinananganganak ako ni Inay.

Sa kuwartong iyon natutulog ang Lola kong noong maliit pa ako'y siya lamang may radyo sa aming bahay. Kaya madalas ako doon kahit noong halos wala pa akong muwang--nakikinig ng dramang kinagigiliwan ni Lola, pinapanood siyang suklayin nang paulit-ulit at pagkaraa'y pusurin ang mahabang puting-puti niyang buhok, at sumusubsob sa saya niya hanggang maidlip ako. At nang lumaki-laki na ako, mula sa pasamanong iyon ako tumatalon at nagkukunwang lumalangoy sa kama ni Lola--ang malambot na kutson ang dagat ko, at ang malalaking unan ang aking mga alon.

Sa pasamanong iyon din kami naglalaro ng Ate ko, at, nang magsawa na siya dito, ng mga pinsan ko. Isang tag-araw, ipinasya naming magpipinsan na gawing tindahan ang pasamanong iyon. Ibinili ako nina Inay at Itay, na may tindahan sa palengke, ng sari-saring paninda at ang mga tiyo't tiya ko, at mas matatandang pinsan, ang aming mga parukyano.

Nang magkaanak ang Ate ko, madalas din silang maglaro sa pasamano. Umaakyat pa nga sila sa mga rehas nito. Isa sa dalawa kong pamangkin ang ama ng apo kong ito na kahapon nga'y natuklasan ang ligayang dulot ng pasamanong ito, anim na araw bago siya mag-isang taon.

Thursday, July 09, 2009

Si Ate E

Nitong nakaraang Lunes, nagdiwang ng Misa sa bayan namin si Kuya S--para sa yumao niyang asawang si Ate E, pinsang-buo ko, at sa aming pamilya.

Ni hindi pa ako binatilyo nang mangibang-bansa si Ate E. Nakatapos na ako ng kolehiyo nang muli kaming magkita sa bansang itinuring na niyang tahanan. Matagal na silang kasal ni Kuya S noon, at may apat na silang anak. Tawa ako nang tawa nang tanungin ako ni Ate E, "Totoy, umiinom ka na ng beer?" "Matanda na ako, at hindi na lang beer ang kaya kong inumin," patawa ko. At tumawa rin siya, malutong na malutong, tulad ng tawa niya noong bata pa ako.

Kinabukasa'y ipinasyal ako ni Ate E. Sa daan, walang-tigil ang kuwentuhan namin. Ikinuwento niyang samantalang nananatili siyang Protestante, sumasama siya kay Kuya E at sa mga anak nila sa simbahang Katoliko. Sabi ko'y hanga ako sa kanya. At bago niya ako ihatid sa kapatid niyang tinutuluyan ko, sinabi niyang dama niya'y malapit na malapit kami, higit pa kaysa noong bago kami magkahiwalay. Napaluha pa nga siya. At dahil Protestante rin ang pinsang tinutuluyan ko, isinasama ako ni Ate E sa sinisimbahan nila nina Kuya S.

Pagkaraan ng ilang taon, siya naman ang dumalaw sa bayang iniwan niya. Nang makita niya si Inay ay iyak nang iyak si Ate E. Yumao na kasi ang ina niya noon, ang nakatatandang kapatid ni Inay. Ilang taon pagkaraan nito, sumulat siya sa akin--tuwang-tuwa raw siya na sa wakas, pareho na kaming Katoliko. Pagkaraa'y muli siyang dumalaw sa amin. Siya naman ang isinama ko sa Misa.

May kanser na pala si Ate E noon, ngunit sinabi lamang niya sa amin noong makauwi siya sa kanyang pamilya. Yumao siya sa piling nila, malayo sa amin. Ilang taon din ang nakalipas bago ko nadalaw sina Kuya S.

Dinala niya ako sa puntod ni Ate E. Ang bigat ng pakiramdam ko. Pinilit kong sumaya--inulit-ulit ko sa gunita ang malulutong na halakhak ni Ate E. Ang mga usapan namin. Ang aming mga sulat. Ang mga Misang dinaluhan namin.

Noo'y sinabi sa akin ni Kuya E na gusto niyang magpari. Tuwing umaga'y dumalo kami sa Misa. At nang makauwi na ako, paminsan-minsa'y nag-e-email siya para ibalita ang kanyang pagpapari. Inimbita niya ako sa kanyang ordinasyon pero hindi ako nakarating. Kaya nga tuwang-tuwa ako nang sabihin niyang gusto niyang mag-Misa sa aming bayan.

Ilang kamag-anak namin ang dumalo sa Misa. Nakakaantig ng damdamin ang homilya niya--ikinuwento niya ang buhay nila ni Ate E, at kung paano siya naging pari. Pagkatapos ng Misa, sumama siya sa akin sa bahay, at binasbasan niya sina Inay at Itay.

Samantalang sinusulat ko ito'y damang-dama kong nasa tabi ko si Ate E, nakangiti, naghihintay lamang na magpatawa ako, at hahalakhak na siyang muli nang malutong na malutong.