Friday, February 06, 2009

Ang Aking Apo

Kalong ko ang aking apo samantalang sinusulat ito. Nakikipindot nga siya. Pero tahimik lang. Hindi nagrereklamo na nakaupo lang siya sa aking kandungan. Tila alam na mahalaga sa akin na nakapagsusulat akong muli dito makaraan ang ilan ding linggo. Tila alam na siya ang aking paksa.

Dalawang linggo ko siyang hindi nakita kaya pagdating ko kanina'y pumipiglas siya nang kargahin ko. Ngunit pinatawa ko at di-naglao'y naglambing na rin. At nang ibaba ko sa kama ay nagpakitang-gilas: gumapang, tumawa, nangusap.

Ngayo'y nangungusap na't hindi na yata mapakali sa pagkakaupo. Nakatingala na sa akin, waring sumasamong kargahin ko na siya at ipasyal.