Tuesday, October 28, 2008

Dapat

Mahigit na isang linggo akong nagdiwang ng kaarawan. Araw-araw ay may kainan, kung saan-saan, kasama ang mga kamag-anak at kaibigan. Ngunit ang pinakatampok siyempre ay ang pagdiriwang namin ni Itay, ng Ate ko, at ng manugang namin, ng aming magkakalapit na kaarawan sa aming bahay, kasama ang aming apo.

Narito siya ngayon, ang mutya naming apo, sa bahay namin nina Inay at Itay. Kapapaligo lamang niya't kadedede, at pinakikinggan namin ngayon sa stereo ang pag-awit ng kaibigan naming madre. Maya-maya'y kakausapin ko siya; tatawa siyang wari'y nauunawaan ang bawat kataga. Pagkaraa'y matutulog siya at mamamasdan ko nang walang sawa.

Isang linggo kaming ganito, dito lamang sa bahay. Kahit may trabaho akong dapat asikasuhin, iniiwasan ko muna. Kahit nga ang pagsusulat ay hindi ko maharap. Mangyari pa.

Tuesday, October 07, 2008

Pag-alis

Nakatabi ko sa banko ang dalawang mataderong mangingibang-bansa--nagbabayad sila ng visa interview fee at nakikipagkuwentuhan sa mga clerk. Sumali ako.

Kapwa sila mukhang wala pang trenta, may asawa, at halos sanggol pa ang tig-isang anak. Ang alam lamang nila sa pupuntahan ay maliit at maginaw na bayan ito sa napakalaking bansa, may hog farm na high-tech at maayos magpasuweldo, dalawang taon ang kontrata nila at maaaring maging permanent resident, may tirahan na sila pagdating doon, at sa loob ng anim hanggang walong buwan makakasunod ang kanilang pamilya.

"Maraming Pilipino doon," sabi ko.

"Balita ko nga po," sagot ng katabi ko.

"Matututo ng Ingles at Pranses ang mga anak n'yo. Sana naman kausapin rin ninyo ng Tagalog," samo ko, na sinegundahan ng isang clerk.

"Opo naman, siyempre," sagot ng katabi ko, at tumango ang kasama niya. "Nakapagtrabaho na rin po kayo doon?"

"Hindi, nakadalaw lang sa mga kamag-anak at kaibigan. Palakihin n'yong Pilipino ang mga anak n'yo," dagdag ko pa. "Masyado silang malaya doon. At saka para alagaan nila kayo pagtanda n'yo." Naalala ko kasi ang tiya kong yumao sa isang tirahan ng matatanda doon, walang kasama kundi ang kakuwartong hindi niya kasundo.

"Hindi ko naman po ma-imagine ang sarili ko na tumatanda doon. Puwede po bang umuwi dito at dalhin ang pensiyon," tanong ng katabi ko.

"Oo naman. Ganoon ang ginagawa ng maraming Pilipino," sagot ko, kahit hindi ako sigurado. Kapwa sila ngumiti; huminga nang malalim ang katabi ko.

Pagkatapos ng transakyon ko'y nagpaalam ako, "Good luck sa inyo."

"Thank you po," sabi nila, nakangiti pa rin. Naguniguni ko ang kanilang kaba at pananabik, ang puso nilang tigib ng pag-asa.

Tumayo ako't lumakad palayo sa kanila na may baong ligaya: aalis sila na inaasam-asam ang pag-uwi.