Thursday, August 28, 2008

Balik-tanaw

Narito ang propesor na Hapon na nag-anyaya sa aking magturo sa Japan nitong nakaraang buwan. Mangyari pa'y hinahanap-hanap ko na naman ang mga sandali ko doon, at inaasam na makabalik.

Sa loob lamang ng dalawang linggo, nabighani na ako ng Japan. Ngayon, kahit nga ang mga dati'y hindi ko pinapansing dokumentaryo tungkol sa Japan, na paulit-ulit na ipinalalabas sa isang estasyon ng telebisyon na wala nang ibang maipalabas, ay paulit-ulit kong pinanonood ngayon para lamang kahit paano'y makabalik doon.

Mahigit sa labing-limang taon na ang nakakaraan, hinangad kong tuntunin ang landas ni Basho mula Kyoto patungong Edo (na ngayo'y Tokyo), kasama ang sinumang makatang Hapon na interesadong matuto ng Ingles, upang makapagsulat din ng mga haiku. Siyempre, hindi ko alam noon na marami sa mga daang tinahak ni Basho ay hindi na daang malalakaran. At wala rin namang nagbigay sa akin ng pagkakataon na makapunta sa Japan noon.

Kaya nagsulat na lamang ako ng mga waring-haiku tuwing may pagkakataon, kadalasa'y kapag nagreretiro ako nang tahimik. At nang sa wakas ay nakarating ako sa Japan nitong nakaraang buwan, napansin ko ang naghaharing katahimikan--sa bus, sa tren, sa kalsada, sa pamilihan, maging sa pakikipagtipan ko sa mga Hapon. Sa kasawiang-palad, abalang-abala ako sa pagnamnam ng karanasan at tanawin doon kaya hindi ako nakasulat ng kahit isang tula.

Ngunit umuwi akong tigib ng alaala. Asa ko'y kapag nagkapagkakataon akong muling manahimik, maisasatitik ko ang mga alaalang iyon.

Sunday, August 24, 2008

Bantay

Nasa ospital si Itay. Noong Huwebes ng umaga, nahirapan daw huminga kaya isinugod nila. Nang dumating ako'y panatag na siya--nakilala naman ako pero palaging tulog. Nasa dalawahang kuwarto siya kasi wala raw bakanteng isahan. Masikip. Kaya ipinasya kong ilipat ng ospital.

Mas bumuti ang lagay niya sa bagong kuwarto--mas malaki, mas malinis, mas bago. Kinabukasa'y lalong bumuti ang lagay. Umingay na nga, tulad ng dati. Nang makausap si Inay sa telepono, ang sabi'y "I love you." Pero lagi siyang nakatitig sa magagandang nurses na nagpapainom ng gamot.

Kaninang umaga, samantalang kinukunan siya ng presyon ng magandang nurse, hinaplos ni Itay ang braso nito. "Itay, huwag," sabi ko, at humingi ako ng paumanhin sa nurse. "Okey lang po," sagot nito. Nang paalis na ito, sabi ni Itay, "Thank you." "You're welcome po," sagot nito. Ang sabi ni Itay, "I love you." Nang tanungin ko kung bakit niya sinabi iyon, ang sagot, "Wala si Inay, e."

Ngayon naman, nasa bahay ako ng Ate ko, binabantayan ang aming apo. Namamasyal kasi ang mga magulang nito, at nasa ospital ang Ate ko, bayaw at bunso nilang anak.

Uuwi na si Itay bukas. Braso na ni Inay ang hahaplusin niya. Si Inay na naman ang sasabihan niya ng "I love you."

Sunday, August 17, 2008

Binyag

Bininyagan ang aming apo kahapon. Napakaraming tao sa simbahan--mainit at masikip--ngunit tahimik na tahimik siya kahit nang magising--wari'y taimtim na ninanamnam ang ritwal at ang ligayang dulot nito sa aming lahat.

Nang kunan ko ng retrato ang pamangkin kong karga ang kanyang anak, nangilid ang aking luha. At nang sa salu-salo'y ako naman ang kumarga sa aming apong himbing na himbing, wari ko'y bumata akong muli, sabik na sabik mag-alaga ng bagong pamangkin.

Friday, August 15, 2008

Asam

Wala akong gagawin maghapon kundi makipag-usap sa mga estudyante kaya magaan ang mga hakbang ko nang umalis ako ng bahay kaninang umaga. Sa tren, nagbasa ako ng nobelang mapait-na-matamis. Nang lumipat ako ng estasyon, nakita ko ang isang batang sa liit ay mukhang nasa mababang paaralan pa lamang pero nakauniporme na ng mataas na paaralan ng aking unibersidad. Tumatakbo siya dahil may parating nang tren. Ewan ko kung bakit pero naisip kong sana'y puwedeng ako na ang tumakbo para sa kanya. Hindi niya naabutan ang tren.

Nagbasa akong muli samantalang naghihintay, at hanggang sa pagsakay sa tren--may sumisibol nang pagsinta sa puso ng bidang dalagita, ngunit hindi pahihintulutan ng kanyang lipunan na mamulaklak ito--kaya hindi ko napansin na umaambon na pala. Paglabas ko ng estasyon, halos tila na ang ambon pero nagpayong pa rin ako.

Lumakas ang patak nang naglalakad ako patungo sa unibersidad. Gusto ko sanang isara ang payong ko, magpakabasa. Bahala na sana. Pero masarap ding pakinggan ang tunog ng patak sa payong at hulaan kung saan sa braso ko papatak ang ligaw na ulan. At sandali kong nalimutan na matindi kong inaasam-asam na makapaglakad-lakad sa ibang lupalop, mahipan ng mas malamig na simoy ng hangin, madampian ng mas mabining ulan.

Sunday, August 10, 2008

Apo

Tatlong linggo bago mag-trenta'y uno anyos ang panganay kong pamangkin--sa ika-59 na kaarawan ng aking bayaw--nagsilang ang misis niya ng napakagandang sanggol na lalaki, ang una nilang supling, unang apo namin ng Ate ko't bayaw, at unang apo sa tuhod nina Inay at Itay. Mangyari pa'y wala kaming pagsidlan ng galak.

Isang araw na ang tanda ng apo ko nang makita ko siya, at sa kabila pa ng salamin sa nursery ng hospital. Kinabukasan, nangibang-bayan ako. Dalawang linggo akong nawala, at naghintay na lamang ng mga retrato niya. Nang sa wakas ay nagkita kaming muli, lalo siyang gumandang lalaki. At nakita ko kung gaano siya kabait. Kahit noong lumungad siya'y sandali lamang siyang umiyak.

Hindi ko pa siya nakakarga. Inaasam-asam ko na iyon. Noong sanggol ang ama niya't nakababatang kapatid nito, palagi ko silang karga, palaging alaga. Natuto akong magpadede, magpadighal, maglinis ng dumi, magpalit ng lampin. At nang lumaki-laki sila'y madalas nila akong kalaro. Paminsan-minsa'y tinutulungan ko sila sa kanilang homework. At nang magbinatilyo na sila, mas malalalim na ang paksa ng kuwentuhan namin. At may mga naituro rin naman ako sa kanilang higit sa mga leksiyon nila sa klase.

Ngayo'y hangad kong mapalapit din sa aking apo. Ngayong mas matanda na ako'y mas marami akong maikukuwento sa kanya. Una na dito ang kung anu-anong pinagsaluhan namin ng kanyang ama at tiyo.

Friday, August 08, 2008

Naghahanap-hanap

Limang araw na ang nakaraan mula nang umuwi ako pero hinahanap-hanap ko pa rin ang pagtakbo sa tabi ng dagat sa madaling araw, pagsakay ng bus papunta sa unibersidad pagkatapos ng almusal, paghahanda para sa klase, tanghalian mula sa bento, isang-oras at kalahati ng pagtuturo sa mga estudyante mula sa iba't ibang lupalop, at hapong bukas sa kung ano mang masumpungan.

Sa araw ring ganito noong isang linggo, namangha ako sa napalaking gusaling kahoy na may napakalaking bronseng Buddha, mga usang pagala-gala sa paligid ng napakaraming tao, mga harding hitik sa sari-saring halaman at puno, kastilyong tumutunog ang mga sahig pag tinapakan--wari'y laksa-laksang ibong sumisiyap--at apat na maikong biglang lumitaw sa kalsadang makitid at madilim.

Ngayon, maghapon akong nakikipag-usap sa mga estudyante tungkol sa mga klaseng kukunin nila sa isang semestre. Mamaya, magpapamasahe ako upang pagkaraa'y makatulog ako nang mahimbing, at mangarap na bukas ay mamamangha ako sa marami pang templo, kastilyo, hardin, at mga maikong maghahandog sa akin ng sake, sushi, sashimi, awit, sayaw, at ano pa mang aking naisin.