Thursday, June 05, 2008

Retiro

Sa lungsod sa tuktok ng bundok sana ako mag-isang mananahimik, mananalangin, at magsususulat nang walong araw ngunit bumagyo nang paalis na ako. Kaya sa malapit na lamang ako nagretiro, sa lugar na palagi kong pinupuntahan dahil kaibigan ko ang mga madre doon. At iyon ang kauna-unahang retiro ko sa kanila.

Ang ganda ng walong araw na iyon! Kasabay ko si Teresa ng Avila (pinahiram ako ng kaibigan kong madre ng libro ng mga pagmumunimuni sa tulong ng mga salita ni Teresa) at nagkasundo kami nang mabuti. Sa pananahimik ko'y nakausap ko ang Diyos, nakapiling nang malapit na malapit. At araw-araw akong nag-ehersisyo. Nakasulat pa ako ng sa tingin ko'y mga tula naman--pitumpu, maiikli, tahimik din.

Ngayo'y balik na akong talaga sa trabaho, nananabik na makita ang mga bagong esudyante at muling magturo.