Tuesday, January 22, 2008

Ganoon Lamang

Kagabi'y ibinigay sa akin ng isang kaibigan ang gamit na (pero mukhang bago pa) niyang kompyuter. Mahal ito kung bibilhin. Sabi ng isang napagkuwentuhan ko, na alam din na marami pang ibang kaibigan ang nagbibigay sa akin ng kung anu-ano, kahit ng tiket papunta kung saan-saan, "Ang suwerte mo naman sa mga kaibigan. Ano nga bang nakikita nila sa iyo?"

Inisip ko nga.

May mga nagsabi na akin na magaling akong makinig. May isa ngang nagsabi na kapag kausap niya ako, pakiramdam niya'y siya ang pinakamahalagang tao sa mundo para sa akin, kahit alam niyang ganito rin ang nadarama ng ibang nakikipag-usap sa akin.

Bata pa yata ako'y ganito na ako. Marahil dahil ganito rin sina Inay at Itay. Kahit noong maliit pa ako'y nagkukuwento ako sa kanila, at damang-dama kong interesado silang makinig.

Noong nasa hayskul at kolehiyo ako, lagi akong kinukuwentuhan ng mga kaklase ko. Madalas ay tungkol sa mga hindi nila maikuwento sa iba. Kaya natuto akong magtago ng lihim. At natuto nga akong makinig nang mabuti, nang buhos na buhos ang loob. At madalas, wala akong ginagawa kundi makinig.

Nang magtrabaho na ako, lalo dumami ang pinakikinggan ko. At nagkukuwento rin ako--minsa'y ang mga ikinuwento sa akin ng iba, nang hindi isinisiwalat, ni ipinahihiwatig, ang pinagmulan ng mga ito--dahil sabi ng marami'y may napupulot silang aral mula sa mga kuwento. Minsan naman, nakikinig lamang ako dahil may mga kaibigan akong ang gusto lamang ay magkuwento, at hindi marunong makinig.

Pero sa huling pagtutuos, hindi ang nakikita sa akin ang dahilan kung bakit ako binibigyan ng kung anu-ano ng mga kaibigan ko. Ang dahila'y mabait sila, at nasisiyahang magbahagi ng biyaya. Ganoon lamang 'yon.

Monday, January 07, 2008

Simbahan

Kahapon, napasulyap ako sa mga katabi ko sa Misa at nakitang hinahalikan ng isang lalaki ang batang karga ng isang babae at malamang ay anak nila. May katabi silang tatlo pang bata. Naisip ko tuloy kung sama-sama rin kaming magsimba nina Inay, Itay at Ate noong maliit pa ako.

Noon kasi'y iisa pa ang simbahan naming apat, ang Simbahang Aglipay. At tandang-tanda ko pa na tuwing magsisimba kami'y laging naka-San Antonio si Inay: bestidang kulay-tsokolate na may sinturong puti. Si Ate nama'y naka-Lourdes: puting bestida na may sinturong murang asul. Hindi ko maalalang kasama namin si Itay, malamang dahil maagang-maaga siyang magsimba kasi maagang-maaga rin siyang nagbubukas ng tindahan kahit Linggo.

Pero tuwing Pasko ng Pagkabuhay, maagang-maaga kaming ginigising ni Itay para sa Salubong. Sina Ate at Inay ay sasama sa mga babae, at kami ni Itay sa mga lalaki, at magpuprusisyon ang dalawang pangkat sa magkabilang panig ng lunsod, at magsasalubong sa harap ng malaking bahay na may balkonaheng puno ng mga munting anghel. Kapag hindi sumasama si Inay, kasama namin ni Itay si Ate sa pangkat ng mga lalaki.

Si Inay kasi'y lumaking Protestante. Sa simbahang Protestante nga sila ikinasal ni Itay. Ngunit sumama na rin siya sa Aglipay. Bininyagan naman Katoliko si Ate dahil Katoliko ang mga ninong niya't ninang. Ako'y bininyagang Aglipay. Nang mag-aral ako sa Katolikong hayskul, nagpabinyag akong Katoliko. Noo'y bumalik na rin si Inay sa una niyang relihiyon. At si Ate'y nag-aaral na sa kolehiyong Katoliko kaya doon na rin nagsisimba.

Ngayon, sa bahay na lamang palaging nagbabasa ng Biblia at nagdarasal si Inay. Kapag Sabado ng gabi'y kasama ako ng Ate ko't bayaw, at ng anak nila't manugang sa simbahang Katoliko, kung hindi ako nagsisimba nang mag-isa sa Linggo. Si Itay nama'y dinadala ko sa simbahan niyang Aglipay pagkatapos kong ipasyal sa tabi ng lawa.