Tuesday, November 27, 2007

Kasal

Nitong nakaraang Sabado, sumama ako sa Ate ko't Kuya sa kasal ng isa naming pamangkin, na flower girl sa kasal nila tatlong dekada na ang nakakaraan. Bihis na bihis ang dalawa--ninang kasi't ninong. "Ako na lang ang official photographer ninyo," sabi ko.

Sa harap ng simbahan, nakita namin kaagad ang isa sa mga ninang--nakababatang kapatid ng unang kasintahan ng Ate ko. Kaibigan ko rin siya; kaming dalawa nga ang chaperone kapang lumalabas ang Kuya niya't Ate ko. Ngayo'y hiwalay na siya sa asawa, at konsehal ng aming bayan. Nilapitan ko siya't hinagkan, at dinala sa Ate ko. Ipinakilala ko rin siya sa aking Kuya.

Pagkaraan ng ilang sandali'y nagsimula na ang tugtuging hudyat ng paglalakad ng mga ninong, ninang at abay papunta sa altar. Nang makarating ang lahat doon, isinara ang mga pinto ng simbahan, nagbago ang himig, at umawit ang mapapangasawa ng aming pamangkin. Maganda ang boses niya, buung-buo, at sa wari ko'y punung-puno ng pag-aasam at pagmamahal.

Binuksan ang mga pintuan ng simbahan, pumailanlang ang usok, at mula dito'y lumitaw ang aming pamangkin. May edad na siya, may katabaan, ngunit sariwang-sariwa ang kanyang ngiti. Nang maglakad siya'y pumatak ang mga talulot ng rosas. Natigilan ako't hindi makakuha ng mga retrato. Muntik na akong mapaluha.

Pagkatapos ng kasal, ipinaalala ko sa pamangkin namin na flower girl siya sa kasal nina Ate at Kuya. "Opo," sagot niyang nakangiti, "hinding-hindi ko nga 'yon nalilimutan. Tandang-tanda ko pa ang kasal na 'yon."

Sa salu-salo, hindi ko kasama ang Ate ko't Kuya, at maging sila'y magkahiwalay ng mesa. Sama-sama kasi ang mga ninang sa isa, at sa kabila'y ang mga ninong. Nang pauwi na kami, sinabi sa akin ng Ate ko na matagal silang nag-usap ng kapatid ng una niyang kasintahan. Napaiyak pa raw ito.

Mahigit sa tatlumpu't limang taon na kasi ang nakararaan, namanhikan ang pamilya nito sa Ate ko. Binalak ang marangyang kasal. Pagkaraan nito'y ilang beses dumalaw sa Ate ko ang kasintahan niya na lasing, isinama pa ang mga kabarkada niya sa pagsusugal. Ipinasya ng Ate ko na umatras sa kasal. At walang nakapagbago ng isip niya.

Bago pa man ikasal ang Ate ko't Kuya ay nagpakasal ang una niyang kasintahan sa isang sabi ng marami'y kahawig ng Ate ko. At mga limang taon na ang nakararaan, nabalitaan naming nagpatiwakal ang unang kasinthan ng Ate ko pagkaraang patayin ang kalaguyo nito.

Ang sabi raw ng kapatid nito sa Ate ko noong mag-usap sila sa salu-salo, "Kamukhang-kamukha mo ang isang anak ng Kuya ko."

Tuesday, November 13, 2007

Ang Aking Tiya

Narito na naman ako sa malayong lunsod na matagal nang nilipatan ng pamilya ng tiya kong panganay na kapatid ni Inay.

Noong una akong dumalaw dito, mahigit na sampung taon na ang nakakaraan, may sakit na’t nakaratay sa magkadikit na kama ang tiya ko’t tiyo. Lagi nang tulog ang tiyo ko. Ang tiya ko’y nakakaupo pa sa kama, at nakakausap pa.

Nang batiin ko ang tiya ko noon, hindi ko tiyak kung talagang nakikilala pa niya ako—binatilyo pa lang ako nang huli kaming magkita. Ngunit nang halikan ko siya’y ngumiti siya nang pagkatamis-tamis, at ibinulong ang pangalan ko.

Noong maliit pa ako’y madalas dumalaw ang tiya ko sa amin—sa amin kasi nakatira ang kanilang ina. Nakagisnan ko nang pabulong magsalita ang tiya ko. Kakatwa nga, sabi ng lahat, kasi mahina ang tenga niya; karaniwang malakas magsalita ang mga ganoon. Ngunit maliit pa man ako’y tiyak na tiyak na akong akmang-akma sa kanya ang magsalita nang pabulong.

Kahit kasi mataba siya, wari’y napakagaan niya, kahit maglakad. Laging matamis ang kanyang ngiti’t mahinay at mabini ang kilos. Bilang na bilang ang kanyang mga salita, at ni minsa’y hindi ko siya nakitang nagalit. Kapag niyayakap niya ako’y lapat na lapat ang aming mga katawan, hinding-hindi ako nasisiil. Halos dampi lamang nga ang kanyang mga halik.

Gustung-gusto ko siyang panooring magbasa—kumikibot kasi ang labi niya, at halos marinig ko ang mga kataga. Tuwing makikita ko siyang dumadampot nang babasahin, iiwan ko ang anumang ginagawa at lalapit ako sa kanya, panonoorin siyang magbasa. At laging wari’y hindi niya ako napapansin, laging wari’y nag-iisa siya sa daigdig, kumikibot ang mga labi, halos ibinubulong ang mga kataga.

At kapag pinapalad ako, nahuhuli ko siyang bumubulong ng awit, mahinang-mahina, halos hindi marinig. Kaya walang pagsidlan ang galak ko. Ngunit dumating ang panahong dumalas ang pagbulong niya ng awit—nang maratay sa higaan ang kanyang ina. At mula nang yumao ang lola ko, hindi ko na nahuling bumulong ng awit ang aking tiya.

Ngunit noong huli kaming magkita, noong nakaratay siya’t dampian ko ng aking halik, noong ibulong niya ang pangalan ko, higit pa sa matamis na awit ang aking narinig.

Ilang taon nang wala ang tiya ko. Kanina’y mga anak at apo na lamang niya ang dinalaw ko. At mangyari pa, sa mga mukha’t kilos nila’y hinanap-hanap ko ang wangis ng aking tiya. Sa mga labi nila’y hinintay kong mamutawi ang bulong niyang awit.