Monday, October 22, 2007

Panganib

May sumabog sa malaking mall, hindi kalayuan sa tahanan ko. Walo ang kaagad natagpuang patay at halos isang daan ang nasugatan. Hindi pa malaman kung aksidente o pagbobomba. May nagsabing kagagawan nila iyon at hinihinging palayain ang nakakulong nilang kasamahan, ngunit duda ang marami doon. Sari-sari ang sapantaha.

Kagabi, dahil umuulan nang lumabas ako ng simbahan at wala akong dalang payong, nag-taxi ako pauwi. Sabi ng tsuper, walang sumasakay mula, at patungo, sa mall na may sumabog.

Sabi sa balita kaninang madaling-araw, labing-isa na ang namatay mula sa pagsabog. Hindi pa rin tiyak kung ano ang talagang dahilan.

Madalas akong dumaan sa mall na iyon. Kaninang umaga, nang maglakad ako papunta sa estasyon ng tren, iniwasan ko ito. Ngunit alam kong hindi magtatagal at dadaan akong muli doon.

Tuesday, October 16, 2007

Isang Kaarawan

Kararating ko lang sa dormitoryong tutuluyan ko nang anim na linggo sa London nang makita kong nakatingin sa akin si A. Kinagabihan, nagkasabay kami sa hapunan at nalaman kong Espanyol siya't nag-aaral ng Ingles sa tag-araw na iyon. Seminar sa panitikan naman ang ipinunta ko doon. Mula nang gabing iyon, halos araw-araw na kaming nagkikita ni A, lumalabas kasama ang mga nakaibigan ko sa aking seminar na mula sa kung saan-saang lupalop.

Bago magtapos ang anim na linggo, matalik na kaming magkaibigan ni A. Kaya nang dumalaw ako sa Madrid, ilang linggo pagkaalis ko sa London, sinalubong niya ako, kasama ang kasintahan niyang si C, sa estasyon ng tren. Ilang araw nila akong ipinasyal kung saan-saan, at ipinakilala nila ako sa kanilang mga kaibigan.

Ipinakilala rin ako ni A sa kanyang ina; nananghalian pa kami sa kanilang tahanan. "Mi casa es su casa," sabi ng ina ni A. Tuwang-tuwa ako siyempre--hindi ko pa alam noon na karaniwang kasabihan lamang pala ito ng mga Espanyol.

Nagkataong kaarawan ni A isang araw na nasa Madrid ako. Nang magdapit-hapon, tinagpo namin ang kanyang mga kaibigan sa isang bar. Ang ilan sa kanila'y hindi marunong mag-Ingles pero nagkasundo pa rin kami. Pagkapaghapunan namin, dumalo kami sa isang party--doon nama'y pinagkamalan akong Amerikano dahil sa aking pag-i-Ingles. Mula sa party, isinakay ako sa likod ng motorsiklo ng isang kaibigan ni A at tumuloy kami sa isa pang bar. Doo'y tinanong ako ni A, "Would you like to go to a Spanish whorehose?" Ang sagot ko, "Thanks, but I don't want to take anything home with me." At nagtawanan kami nang malakas.

Mag-aalas tres na ng madaling-araw nang pumunta kami sa isang disco. Lasing na lasing na ako, kaya ang sarap sumayaw. Mag-uumaga na nang umalis kami doon, at halos sumisikat na ang araw nang ihatid nila ako sa tinutuluyan kong pension.

Makalipas lang ang ilang oras, kahit masakit pa ang ulo ko, sumakay ako ng tren papunta sa bayan ng madreng sumakabilang-buhay, at naging santa, ilang siglo na ang nakaraan, sa araw naman ng aking kapanganakan.

Tuesday, October 02, 2007

Mga Nurse

Kaninang umaga, napakaraming nurses sa labas ng coliseum na parati kong dinadaan papunta sa estasyon ng tren. Nakaputing bestida, medyas at sapatos ang mga babae--karamiha'y suot na ang kanilang puting cap, ang ila'y bitbit pa ang mga ito, may isang nakalagay pa sa magandang plastic bag ang sa kanya. Ang mga lalaki'y nakaputing pang-itaas, pantalon at sapatos. Marami'y may kasamang mukhang kamag-anak nila. Tiyak na may oath-taking para sa mga bagong nurse.

Mangyari pa'y naguniguni ko kung saan nais pumunta ng halos lahat ng mga nurse na iyon. Nalungkot ako dahil alam kong mahirap ang buhay ng nurse, tulad ng sa ilan kong pinsan. At alam kong mas mahirap kung malayo ka sa iyong pamilya at bayan, at nasa piling ng mga dayuhang ibang-iba ang ugali sa iyo.

Dalawang taon na ang nakararaan, naospital ako nang limang araw sa isang bayan sa Amerika na puno ng Pilipino. Nasa piling ako ng mga pinsan ko noon ngunit dahil abala sila sa kani-kanilang trabaho, ang mas madalas kong kasama sa ospital ay ang mga nurse na Pilipino. At napakabait nila sa akin. Ang ila'y dinadalaw pa ako kahit hindi sila on-duty. At mangyari pa'y Tagalog ang usapan namin. Sabi pa nga sa akin ng isa sa kanila, "Ewan ko kung bakit, pero ang gaan ng loob ko sa iyo. Parang magkamag-anak tayo."

Hindi ko pa muling nakikita ang mga nurse na iyon; wala na akong balita sa kanila. Kanina, nang makita ko ang mga bagong nurse na sa tingin ko'y sabik na sabik nang makapangibang-bayan, hinanap-hanap ko ang limang araw ko sa piling ng mga nauna na sa kanila.