Friday, August 31, 2007

Kabarkada

Mamayang gabi, magtitipun-tipon kaming magkakabarkada dahil may isang dumadalaw mula sa ibang bansa.

Nasa mataas na paaralan pa ako'y kilala ko na siya. Bagong salta siya sa aming bayan ngunit mabilis siyang naging sikat sa aming paaralan. Naging pangulo pa siya ng student council. Nang magkolehiyo kami'y naging kakuwarto ko siya sa dormitoryo. At noon ko natuklasan kung bakit siya sikat. Pero hindi ko mapiho kung bakit ko siya naging kaibigan.

Kahit sino'y kaya niyang pakiharapan, at kaibiganin. Marami siyang bisyo--tinuruan nga niya akong manigarilyo. Bihira ko siyang makitang mag-aral, pero ayos naman ang mga marka niya. May tagagawa siya ng homework; may tagamakinilya siya ng papers. At kung kinakapos siya, madali siyang makahiram ng pera.

Madalas siyang kapusin dahil ayaw na ayaw niyang umuwi sa ama niya. Paminsan-minsan nga'y ako pa ang kumukuha ang allowance niya. Ang kuwento niya'y galit siya sa ama niya dahil noong maliit pa siya, sinasaktan siya nito. At itinulak daw nitong magpatiwakal ang kanyang ina. Marami siyang kuwentong malungkot; hindi ko alam kung alin ang totoo.

Ang sabi ng ila'y ang kuwentong malulungkot na ito ang nakabighani sa marami niyang naging kasintahan. Matinik siya sa babae, at napagsasabay-sabay niyang suyuin ang mga ito. Noong nasa ikatlong taon kami, ipinakilala niya ako sa isang kolehiyala; itinulak niya akong ligawan ito. Nagtangka naman ako. Walang nangyari. Nang magtapos kami sa kolehiyo, nabuntis niya ang kolehiyala, naging asawa.

Nangibang-bansa sila. Minsan ay dinalaw ko sila at inistima nila ako nang mabuti. Ilang taong pagkalipas noon, nagkita kami sa burol ng kanyang ama. Hindi na kami nagkita, ni nagkausap, mula noon. Nabalitaan ko na lamang na nambababae siya, nalulong sa sugal, nasangkot sa krimen, palipat-lipat ng trabaho. Nakulong pa ang panganay niyang anak. Ngayon daw ay maayos na ang kabarkada kong ito, pero nagsusugal pa rin yata.

Hindi ko tiyak kung gusto ko ngang makita siyang muli. Ayoko nang isipin. Ang alam ko lang ay pupunta ako sa pagtitipon mamaya.

Tuesday, August 21, 2007

Paglusong

Binatilyo pa lamang ako nang una akong makarating sa pribadong resort na iyon, kasama ang ilang pinsan. Malayo, pasikut-sikot at maputik ang daan papunta doon. Sari-saring puno at halaman ang sumalubong sa amin, at ilang talon at lawa-lawaan. Wala akong dalang panlangoy kaya pinanood ko na lamang ang mga pinsan ko sa pinakamalaking languyan. Gulat na gulat ako nang may lumusong ding mga babaeng naka-itim na blusang mahaba ang manggas at itim na pantalon; mga madre pala sila.

Umulan bago kami nakaalis doon. Wala nang ulan at matindi na ang sikat ng araw ngunit lumubog sa putik ang mga gulong ng sinasakyan naming dyip. Naglakad tuloy kami nang halos isang oras patungo sa highway.

Pagkaraan ng tatlumpung taon, bumalik ako doon, kasama ang ilang kaibigan. May paparating na bagyo kaya naulanan kami samantalang naglalangoy. Kinagabihan, sa aming tulugan, dinig na dinig namin ang atungal ng hangin at hampasan ng mga dahon. Wari nga nami'y may mga punong bumabagsak.

Maagang-maaga akong nagising kinabukasan. Tumila na ang ulan, ngunit abuhin pa ang mga ulap. Naglakad ako papunta sa languyan at nadaanan ko ang nagkalat na mga dahon. Ilang puno nga pala ang bumagsak.

Wala kundi isang pusang ligaw sa may languyan. Lumusong ako sa tubig, luminga-linga, at naghubad ng lahat ng suot. Sumisid ako, lumangoy, nagtampisaw, nagdasal na walang dumating. Walang pagsidlan ang saya ko--tumingkad ang pagkaluntian ng mga halaman sa paligid ko; nagbughaw ang makakapal pang ulap. Nang sumungaw na ang araw, pagkaraan ng marahil isang oras, isinuot ko ang aking shorts, bumuntong-hininga ako, at umahon.

Walong taon ding hindi ako nakabalik sa resort na iyon.

Kamakalawa, sumama ako sa ilang kabigan doon. Kaaalis lang ng bagyong nagdulot sa amin ng ilang araw ng di-inasahang bakasyon. Maulap pa rin ngunit pasilip-silip na ang araw. Naglangoy ako bago at pagkatapos mananghalian. Maraming tao sa resort, maging kinagabihan. Putul-putol ang tulog ko, nananabik sa kinabukasan.

Maliwanag na nang magising ako. Dali-dali akong pumunta sa languyan. Nakahinga ako nang maluwag nang makita kong wala pang ibang tao. Lumusong ako sa mainit-init na tubig, luminga-linga, at naghubad ng lahat ng suot. Matagal kong pinagmasdan ang manipis na usok ng hamog na sumisingaw mula sa tibig. Sumisid ako't paglitaw ko'y natambad sa akin ang araw na sumusungaw sa munting bilog na nalikha ng nagsasanib-sanib na mga dahon. Tinitigan ko ito't lumitaw ang mas malaking bilog--nagpaaninaw ang bughaw, luntian, kulay-dalandan. Ngunit naalala kong masamang tumitig sa araw. Pumikit ako't sumisid, at ninamnam ang matingkad na dilaw na naglaro sa aking balintataw.

Wednesday, August 01, 2007

Sa Dalampasigan

Banayad ng sikat ng araw nang dumating ako, kasama ang dalawang kaibigan, sa dalampasigan. Mababa ang tubig, at malinis ang halos-puting buhangin. Kakaunti ang tao sa dalampasigan. Ilang bata ang nagtatampisaw at naghahanap ng mga lamang-dagat. Nasa maliit na bangka ang ama't ina nila; nag-iipon ang mga ito ng uni na ibebenta raw nila nang pitumpung piso bawat boteng lapad. Nakipagkuwentuhan ako sa kanila at sa mga bata.

Kinagabihan, sa kauna-unahang pagkakataon, nakakita ako ng singsing sa paligid ng buwan. Bilog na bilog, at maliwanag na maliwanag kasi ang buwan. Maningning ang paligid nito, at napaloob ito sa napakalaking bilog--malamang ay isang daang ulit ng laki ng buwan. Ginapangan ako nang kilabot, at hindi ko mapaknit ang tingin ko dito.

Ipinasya kong sa dalampasigan matulog--sa isang kubong napaliligiran ng puting kurtina. Nagpaantok ako sa hampas ng alon sa dalampasigan, at sa lalim ng gabi'y ginising ako ng malakas na hihip ng hangin, at huni ng lamok. Muli akong nakatulog hanggang maalimpungatan ako't mabanaag ang taong nakaupo sa harap ko, na tumayo't tumalilis bago ako makabangon. Hindi ko tuloy mapiho kung totoong naroon siya, o napanaginipan ko lamang.

Kinabukasa'y nakita kong tadtad ng kagat ng lamok ang mga braso ko. Pero masuyo ang sikat ng araw sa dagat kaya nagtampisaw na lamang ako, bago maupo't tanawin ang pulong napaliligiran daw ng corales na pinamamahayan ng maririkit na isda.