Thursday, July 26, 2007

Abalang-abala

Abalang-abala ako ngayon sa kung anu-ano't kung sinu-sino--pamangking dumating mula sa Amerika at ang mga panayam ko sa pangkat na sinalihan niya para malubog sa wika at kultura ng Pilipinas; nobelistang Espanyola na ipinakilala sa akin ng isang malapit na kaibigan at ngayo'y malapit ko na ring kaibigan; mga kaibigang dumadalaw na muli mula sa Amerika at kasama ko sa linggong ito sa kung saan-saan; pagdalaw sa burol ng ina at lola ng mga kaibigang itinuturing ko nang pamilya. At mangyari pa'y ang mga klase ko't mag-aaral. At ang mga magulang ko.

Kaya matagal na akong hindi nakakapagsulat. Hindi ako nakakapagbasa maliban sa mga kailangan para sa aking mga klase, at mga babasahin sa banyo. Matagal na akong hindi nakakapanahimik, nakapagmamasid, nakapagninilay-nilay.

Mutyang-mutya ko ngayon ang makauwi sa tahanan ko sa ika-23 palapag at makapag-isa. Minamasdan ko ang mga bago kong muwebles, ang tanawin mula sa aking mga bintana, at ang anumang dapuan ng paningin kong pagod sa kung anu-anong dapat pagkaabalahan.

Tuesday, July 10, 2007

Sa Tabi ng Dagat

Nitong Sabado, sumama ako sa mga pinsan ko sa tabi ng dagat. Kumuha kami ng isang maliit na bahay at doon natulog, nagluto, kumain at nagkuwentuhan nang nagkuwentuhan.

Pagkapananghalian, nagbabad at naglangoy kami sa dagat. Ang linaw ng tubig, at ilang minuto ko ring pinanood ang ilang munting isdang lumalangoy sa paligid ng mga paa ko. Bago magdapit-hapon naman, pinanood namin ng ilang mangingisdang humihila ng lambat nila padalampasigan. Kakaunti ang kanilang huli, at halos lahat ay maliliit lamang.

Kinagabiha'y sa beranda ako natulog. Pinagdikit ko ang dalawang mahabang bangko at pinatungan ng manipis na kutson. Medyo maalinsangan, pero nakatulog din ako. Sa kalagitnaan ng gabi'y ginising ako ng ampiyas ng ulan. Lumipat ako sa sahig. Bigla namang tumigil ang ulan kaya bumalik ako sa mga bangko.

Madilim-dilim pa nang magising ako kinabukasan. Nang tuluyan nang lumabas ang araw, naglakad ako sa dalampasigan tungo sa hindi ko tiyak kung saan. Nadaanan ko ang mga taong naghihintay ng mga bangkang nanghuhuli pa ng isda sa laot. Maliwanag ang langit, ngunit may madidilim na ulap sa kalayuan. Binilisan ko nang kaunti ang lakad ko, para makapag-ehersisyo na rin, hanggang umabot ako sa makitid na ilog. Kumuha ako ng mahabang patpat, at itinusok ito sa buhanging nilusungan hanggang makatawid ako. Patuloy akong naglakad, hanggang kahulan ako ng kasalubong kong mga aso. Una'y dadalawa sila, ngunit may dumating pang tatlo. Umali-aligid sila sa akin. Inihanda ko ang patpat kung sakaling lapitan nila ako, ngunit may dumating na dalawang lalaki na ang sabi'y, "Hindi naman nang-aano ang mga 'yan."

Ilang minuto pa akong naglakad, hanggang makarating sa mas makitid ngunit mukhang mas malalim na ilog. Bumalik na lamang ako, at nakasalubong ko ang ilang taong may bitbit na bag. Nakadaong na ang mga bangka, at marami-rami rin ang isdang dala. Hindi ko nga lamang alam ang pangalan ng mga ito.

Pagkaalmusal, umarkila kami ng isa kong pamangkin ng kayak, at sa di-kalayuan sa pampang, kitang-kita namin ang ilang corral. Kaya umarkila rin kami ng goggles, at nanood ng mga isda. Hindi kagulat-gulat ang aming mga nakita, ngunit kaaya-aya na rin.

Pagkatapos ng masaganang pananghalian, nagpamasahe ako. Gusto ko sanang matulog nang tanghali pagkatapos noon, pero paalis na kami. Pagkatapos naming dalhin ang mga gamit namin sa aming mga sasakyan, nagkuhanan kami ng retrato para ipadala sa mga kamag-anak naming hindi namin nakasama.

Ginabi kami sa daan pauwi. At nang dumating ako sa bahay ay umiiyak si Inay. Nag-alala raw siya nang labis dahil hindi ko sinabing gagabihin kami nang uwi. Wala akong nagawa kundi lambingin siya hanggang ngumiti.