Tuesday, March 27, 2007

Sa Paligid ng Lawa

Sa buong buhay ko'y nitong nakaraang Linggo lamang ako nakatakbo nang tuluy-tuloy sa paligid ng lawa sa aming bayan.

Noong maliit ako, ang kuwento'y taon-taong kumukuha ng buhay ang lawang iyon, kaya hindi kami puwedeng lumapit kahit sa pampang lamang nito. Noong mag-aral na ako, nalaman ko ang alamat nito--may mag-asawang nakatira sa lambak at may puno ng sampalok na napakatamis ng bunga; minsan may matandang humingi sa kanila ng sampalok at tinanggihan nila; isinumpa ng matanda na kapag nagdalang-tao ang babae at tumapak sa lupa, may mangyayaring malaking sakuna; di-naglao'y naglihi nga ang babae kaya hindi na siya lumabas ng bahay; minsa'y wala ang lalaki at naglaway ang babae sa matamis nilang sampalok; hindi siya nakatiis at bumaba siya ng bahay; pagtapak niya sa lupa, nagkabukal ng tubig na umapaw nang umapaw hanggang malubog ang buong lambak.

Nasa mababang paaralan na ako nang sementuhan ang daan palibot sa lawa; noon din naghulog mula sa helikopter ng mga tilapyang hihitik doon. Ilang taon din ngang may malaking-malaking balsa sa lawa na may restaurant--hinding-hindi kami kumain doon. Ngunit araw-araw, naglalakad si Itay, kasama ang kanyang mga kumpare, paligid sa lawat. Di-naglao'y isinama na rin niya kami nina Inay at Ate ko.

Noong nagdadalaga ang Ate ko, isinasama niya ako sa pamamasyal nilang magkakabarkada sa tabi ng lawa. Doon niya ako tinuruang manigarilyo. At paminsan-minsan, sakay kami ng kotseng lumiligid sa dagat, binibilang ang mga palakang sinasagasaan ng gulong.

Noong unang taon ko sa kolehiyo, tumigil akong mag-aral. Tuwing umaga noong taong iyon, naglalakad kami ni Inay sa paligid ng lawa. Kung anu-ano ang ikinukuwento niya sa akin--ang kabataan niyang puno ng hirap, ang panliligaw sa kanya ni Itay, ang pagpupundar nila ng aming kabuhayan. Mula nang bumalik ako sa kolehiyo, bihira na akong lumibot sa lawa--kapag may ipinapasyal na lamang na bisita, at halos palaging sakay sa kotse.

Ngayong tag-araw at hindi ako magtuturo, mas madalas na akong makakatakbo sa paligid ng lawa. Mag-isa man ako'y tiyak na marami akong makakapiling na alaala.

Thursday, March 22, 2007

Takbo

Ilang linggo na akong naglalakad, at tumatakbo nang kaunti, halos araw-araw. Noong una'y sa treadmill sa munting gym ng gusaling tinitirhan ko, pero nabagot ako doon kaya lumipat ako sa liwasang malapit lang. Tuwing hapon ako sa liwasan, at maraming ibang tao--mga naglalakad din at tumatakbo, at mga bata't tinedyer na naglalaro sa damuhan. Kaya medyo maingay at magulo.

Dahil naglangoy ako nang kaunti, at nasiyahan, sa dagat kamakailan, kahapo'y sinubok ko namang maglangoy sa swimming pool ng aking gusali. Ako lamang ang naroon; tahimik, maaliwalas. Pero iba nga talaga ang tubig-tabang: ayaw lumutang ng mga paa ko kaya bahagya na akong nakalangoy. Nagbabad na lamang ako nang ilang minuto. Ipinasya kong sa lupa na muna mag-ehersisyo.

Kaya kaninang umaga, bumangon ako nang madilim-dilim pa, at nang papasikat na ang araw ay nagpunta sa liwasan. Iilan pa ang tao kaya ginanahan ako. Pagkatapos mag-inat, lumakad ako nang mabilis at pagkaraa'y tumakbo na, nang mahinay. Napansin kong may ibang tumatakbo sa labas ng bakod ng liwasan, at sinundan ko sila. Natuklasan ko ang malawak na paradahan, na wala pa halos sasakyan, at may mga bata-bata pa ngunit malusog at madahon nang puno. At may iba ring naglalakad at tumatakbo.

Nagpatuloy akong tumakbo nang mahinay, paikut-ikot sa paradahan, at natuklasan kong dapat palang iangat nang mas mataas ang mga binti ko para pagtapak ko sa semento'y halos walang ingay. At nadama ko ang hanging dumadampi, hindi humahampas, sa aking balat--sinasalubong ko lamang ito, hindi sinasalungat. Naguniguni ko tuloy na nasa buhanginan ako sa tabing-dagat samantalang sumisikat ang araw sa kabilang ibayo. At sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng dalawampung taon, nakatakbo ako nang mahinay at tuluy-tuloy nang mahigit sa tatlumpung minuto. Tumigil ako at naglakad na lamang hindi dahil hirap na ako kundi dahil kailangan ko nang mag-inat para makauwi't maghanda sa pagpasok sa unibersidad.

Bukas, mas aagahan ko ang pagbangon.

Tuesday, March 20, 2007

Pag-aalay

Dahil nag-aral at nagtuturo ako sa unibersidad na Katoliko, at marami na akong naging estudyante na ngayo'y pari na, hindi ko mapigilan ang luha ko tuwing maririnig ko ang awit na "Pari Magpakailanman." Hindi dahil gusto kong magpari, kundi dahil hangang-hanga ako sa mga taong nakakapag-alay ng buong buhay nila sa Diyos, sa ibang tao, sa mahahalagang simulain. Madalas kasi'y hindi ko matiyak kung talagang may pinag-aalayan ako ng buhay ko.

Kanina, sa hintayan ng tren, nakatabi ko ang isang estudyanteng nakasalampak sa sahig, tahimik na nagbabasa ng libro. Sinilip ko kung ano ang binabasa niya. "On His Blindness." Ang tagal niyang binabasa ito. Kailangan kaya niya ng tulong, naisip ko. Pero ni hindi ko siya kilala. Lumipat siya ng pahina. "Stopping By Woods On A Snowy Evening" naman ang binasa niya, matagal rin. Natukso akong tanungin siya, "Kailangan mo ng tulong?" Pero dumating na ang tren at nagkahiwalay na kami sa loob.

Paulit-ulit ko nang naituro ang mga tulang iyon; saulado ko nga ang "Stopping By Woods...". Dapat ay tinulungan ko siya. Isip-guro talaga ako, naisip ko't napangiti ako. Ito na nga kaya talaga ang pinag-aalayan ko ng buhay ko? At lalo akong nagsisi na hindi ko inalok ng tulong ang estudyanteng sa tingin ko'y hirap na hirap maunawaan ang mga tulang iyon.

Ngunit naisip ko rin, gaano ako katiyak na kailangan niya ako? Makakatulong ba talaga ako kung ituro ko sa kanya kung paano ko nauunawaan ang mga tulang iyon? Makakabuti ba sa kanya kung hindi ko siya nahayaang makipagbuno nang mag-isa?

At luminaw na naman sa akin ang matagal ko nang namalayan, ngunit madalas makaligtaan: sa pag-aalay ng sarili sa iba, dapat matantiya kung kailan mag-aalok ng sarili, at kung kailan hahayaan silang magsarili.

Monday, March 19, 2007

Usapan

Halos tatlong oras kaming nag-usap ni T tungkol sa kanyang mga pagdo-double major. At naikuwento rin niya sa akin ang tungkol sa kanyang mga sakit. Noong bata raw siya'y sinabi ng doktor na bi-polar siya. Ilang taon na ang nakakaraan, nadiskrube namang may glaucoma siya. At nitong nakaraang taon, isang semestre siyang hindi nakapasok dahil may malubhang kapansanan ang kanyang kalamnan--patuloy siyang umiinom ng gamot para maibsan ang sakit. Kaya nga raw mainitin ang ulo niya at di-miminsang sinuntok niya ang dinding sa galit. Nitong nakaraang linggo, habang nasa klase siya, namanhid ang kaliwang hita, binti at paa niya, at medyo natagalan bago siya nakatayo at nakalakad.

Nitong nakalipas na dalawang buwan daw ay hinihintay na lamang niyang mamatay. Pero naisip din niya na mas mabuting patuloy na mabuhay samantalang naghihintay--kaya nga inasikaso namin ang kanyang mga kukuning kurso sa susunod na apat na taon. Tumatawa pa nga siya samantalang nag-uusap kami. Mukha siyang punung-puno ng pag-asa, lalo na nang ikuwento niya ang dalagang kasa-kasama niyang lumabas-labas. Sabi ko nga sa kanya'y hanga ako sa kanyang sigla't saya, sa kabila ng lahat.

Makikipag-usap daw siya sa isang guro niyang sikologo--alam daw niyang kailangan niya ito kahit sabi ng mga magulang niya'y hindi. Pakiramdam nga niya'y hindi sapat ang pagkalinga at pagtingin sa kanya ng kanyang mga magulang. Sabi ko, "Tama, makipag-usap ka nga sa guro mong counselor." At idinagdag ko, "Alam mong puwede mo rin akong kausapin kung kailangan mo." Sabi niya, "Kaya nga ako narito."

Isinama ko siya sa pagdiriwang ng kaarawan ng presidente ng unibersidad. Nakita siya doon ng isa niyang guro, at sinabi nito sa kanya, "Ang galing ng huling sanaysay mo. Ang galing mo talagang magsulat." Bumaling ito sa akin at ang wika, "Siya ang pinakamagaling na estudyante sa kurso niya." Gulat na gulat, at tuwang-tuwa, si T.

Bago kami umalis sa pagtitipon ay nakita ko ang kakilalang kamamatay lamang ang anak. Nakiramay ako, at pagkaraa'y ikinuwento ko kay T na biglaan ang pagkamatay na iyon; ni walang sakit ang sumakabilang-buhay. "Anumang oras," sabi ko sa kanya, "Puwedeng mamatay ang sinuman, kaya ang mahalaga'y mabuhay nang mabuti habang nabubuhay pa. Tulad ng ginagawa mo." Ngumiti siya't tumango. Pagkaraa'y winika niya, "Ito na yata ang isa sa pinakamagandang araw ng buhay ko." At pumunta kami sa kapilya para magpasalamat.

Tuesday, March 13, 2007

Apat na Araw

Hiniling naming mahigit-nang-tatlumpu't-limang-taong magkakaibigan na bigyan kami ng recollection ng pari at guro, na ganoong katagal na rin naming kaibigan, sa bayang presidente siya ng isang unibersidad. Kaya nitong Biyernes, lumipad kami paparoon.

Sa resort sa bundok kami tumuloy, nahapunan, nagkasiyahan at natulog. Kinabukasan, pagkatapos maglakad sa paligid at mag-almusal, umupo kami, nagbasa ng salmo, nakinig sa kaibigan naming pari, at nagpahayag ng pasasalamat sa mga biyayang natamo namin. Pagkaraan ng isa't kalahating oras ay nananghalian kami't namasyal sa kabundukan.

Kinahapuna'y nasa lunsod na kami, sa isang magarang hotel. May kamangha-manghang tanawin ng lunsod at dagat ang kuwartong tinuluyan ko, at libre ang merienda, cocktails, at almusal. Nang gabing iyo'y naghapunan kami sa tabi ng dagat, at nagkantahan sa bahay ng isang kaibigan. Kinabukasa'y naglakad at tumakbo ako sa mga kalsada sa paligid ng hotel.

Pagkaraa'y nagbangka kami tungo sa dalampasigang puti ang buhangin, at naglangoy nagpaaraw sa malinaw at bughaw na dagat. Tinuruan pa naming lumutang nang nakahiga ang labindalawang-taong anak ng isang kaibigan--laking tuwa ko nang nanatili siyang nakalutang pagkaalis ko ng daliri ko sa kanyang likod. Sa hapunan noong gabing iyon at sa almusal kinabukasan, nakatagpo ko't nakakuwentuhan ang ilang kaibigang matagal ko ring hindi nakita.

Sa eroplano pauwi--mag-isa na lamang ako dahil nauna na ang ilan at nagpaiwan pa ang iba--naisip ko: ang saya, ang sarap, pero ang bilis natapos ng lahat. Tanong ko: saan napunta ang apat na araw na dagling lumipas? At mabilis na dumating ang sagot: sa pananariwa ng pagkakaibigan at pagmamahalan; sa patuloy na pananalig na bawat sandali'y may dulot na biyaya.

Monday, March 05, 2007

Kulay

Nitong Sabado nang umaga, ipinakilala sa akin ng isang kaibigan ang nakababata nitong kapatid. Ang sabi niya, "Nagkikita na tayo dati." Sa unibersidad daw. Pero hindi ko maalala kung kailan. Kaya pinagtingnan ko siya nang mabuti hanggang may waring kumislap sa gunita ko. At tinanong ko siya, "Nagkukulay ka ba dati ng buhok?"

Noon kasing nakatira pa ako malapit sa unibersidad, may lagi akong nakikitang estudyante, paglalakad ko sa umaga, na madalas magbago ng kulay at ayos ng buhok--minsa'y mahaba't asul, minsa'y maikli't rosas, minsa'y may mas mahabang berde sa gitna ng itim. Hangang-hanga ako sa kanya. Noong kasing-bata niya kasi ako'y hanggang balikat ang kulot at manipis ko nang buhok, pero kailanma'y hindi ko ito napakulayan--hindi ko naguniguning magagawa ko iyon. Pero hindi ko nakausap ang estudyanteng iyon--hindi ko nasabi sa kanyang naiinggit ako sa kanya dahil halos wala na akong buhok na makukulayan.

Ngumiti at tumango nga itong bagong kakilala ko. Tuwang-tuwa ako kasi sa wakas ay nakausap ko na siya. Sabi niya'y pumupunta pa siya sa parlor para magpakulay, at mahapdi raw ito. Sinabi kong hangang-hanga, at inggit na inggit, ako sa kanya. At itinanong ko kung bakit nga ba siya palit siya nang palit ng kulay at ayos ng buhok. "Kasi alam kong pag nagtatrabaho na ako'y hindi ko na puwedeng gawin," sabi niya, "kaya nga noong tanggapin ko nga ang diploma ko'y pulang-pula ang buhok ko."

Ngayo'y itim na lamang ito. Ngunit may pinapapalitan pa rin siya ng kulay buwan-buwan: ang manipis na lastiko ng braces ng ngipin niya. Kitang-kita nga naman ito tuwing ngumingiti siya. At palagi siyang nakangiti.